Una sa Balita

Malaysian na nagpanggap na Pinoy timbog sa NAIA

0 320

HINDI nakalusot sa Bureau of Immigration (BI) ang isang Malaysian na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang isang bogus na Philippine passport sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang impostor na 36-taong gulang na si Toong Yuen Chin na nahuli sa NAIA Terminal 3 noong January 11 pagkatapos na tangkain nitong umalis ng bansa sa pamamagitan ng Air Asia flight papuntang Kuala Lumpur.

Ayon sa ulat, ginamit ni Chin ang pekeng pasaporte ng Pilipinas sa ilalim ng pangalan na Jacky Cruz Chin na iprinisinta sa immigration officer na naging kahina-hinala nang ang passport ay hindi ma-encode ng passport reader.

“During secondary inspection, he confessed his true nationality as a Malaysian and admitted that a fixer named Lawrence facilitated his acquisition of a fraudulent Philippine passport for a fee,” ayon pa sa ulat.

Ikukulong sa BI Detention Center sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang pasahero bilang pagtalima sa direktiba ni Mo­rente na ang lahat ng dayuhan na nahuling bumibiyahe na gumamit ng mga huwad na dokumento ay uusigin dahil sa pag­labag sa batas ng imigrasyon.

Nabatid pa sa record ng BI na si Chin ay dumating sa bansa noong Hulyo 12 ng nakaraang taon gamit ang kanyang Malaysian passport. Ginamit umano ang pekeng Philippine passport upang maiwasan ang pagbabayad ng mga immigration fee at multa para sa pagi­ging overstaying nito sa bansa.

Ang Malaysian ay may dalawang Philhealth ID at isang municipal birth certificate na nagpapatunay na siya’y ipinanganak sa Sta. Ana, Manila sa mga magulang na Pinoy.

Nang siyasatin ng mga anti-fraud examiner sa BI-NAIA, natuklasan na ang biographical page ng Philippine passport ng pasahero ay pineke kaya hindi ito mabasa ng passport scanner.

“Our technologies are up to date and at par with international standards.
Fraudsters will be caught,” giit ni Mo­rente sa kanyang babala laban sa mga iligal na dayuhan na gumagamit ng mga hindi totoong dokumento. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy