Una sa Balita

Malaya nga ba tayo?

By
0 575

Noong nakaraang pagdiriwang ng Araw ng Kala­yaan noong 12 June, may ilang nagsasabi na: 1) Hindi 12 June 1898 dapat ang ipinagdiriwang kundi ang paggawad sa atin ng kasarinlan ng Amerikano noong 4 July 1946 kung kailan kinilala tayo ng mundo na isang nagsasariling bansa, samakatuwid, mali na sabihing ika-120 Araw ng Kalayaan sapagkat may halos kalahating siglo tayo sa mga taon na iyon na walang masasabing ‘Araw ng Kalayaan’; at 2) Hindi naman tayo tunay na malaya hanggang sa kasalukuyan dahil marami pa rin ang naghihirap.

Mali nga siguro na sabihing ika-120 Araw ng Kalayaan, dapat sabihin na lamang na ika-120 anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan o Kasarinlan.

Isa pa. OK maka-Bonifacio ako. Alam ng marami ‘yan. Kung ako ang tatanungin, dapat ang Araw ng Kalayaan natin ay ang simula ng kanyang himagsikan, 24 August 1896.

Pero matagal ko na rin itong sinasabi: pinapahalagahan ko ang June 12 1898 bilang Araw ng Kalayaan dahil ito ‘yung bintana na nagwawagi na ang mga Anak ng Bayan sa mga Espanyol matapos ang 333 taong pana­nakop. Sa Battle of Manila Bay akala natin Amerikano lamang ang nagligtas sa atin noong May 1 pero wala nga silang ground troop. So ang kumamada ang mga Filipino mismo at nakita ni Pangulong He­neral Emilio Aguinaldo ang pattern na ito ng pagwawagi natin, kaya iprinoklama niya ang Kalayaan. Kaya lang, ayaw sumuko ng mga Espanyol sa mga Filipino kaya ayun, nagplano ng pekeng labanan na lutong Macoy kung saan nanalo ang Amerika ang ipinasa sa kanila ang pamumuno.

Kaya kung susundin ito, sa naratibo ng mga dayuhan, Amerikano lamang ang tumalo sa Espanyol. Muli, nanalo lamang sila sa Manila Bay (Cavite) at sa Maynila pero sa probinsiya ang nagwagi ay ang mga Filipino.

Kung hindi natin kikilalanin ang 12 June 1898, parang sinabi na rin nating totoo ang kasinu­ngalingan ng mga Espanyol at Amerikano na hindi tayo ang nagpawagi sa Himagsikan.

Na hindi tayo nagkaroon ng sariling pamahalaan noong 1898-1901, ang unang konstitusyunal na demokratikong republika sa Asya.

Na hindi nagwagi ang Himagsikang sini­mulan ni Andres Bonifacio para pabagsakin ang mga Espanyol nu’ng 1896.

Ang hindi pagkilala sa pagwawagi natin sa Himagsikan ay pana­naw na makadayuhan.

Tama si Aguinaldo, na noong 1946, ‘isinauli lamang nila ang kala­yaang inagaw sa atin noong 1899’.

Oo nandoon na ako sa hindi pa natutupad na kaginhawaan na kaakibat ng konsepto ng kalayaan at pagkabansa ni Bonifacio at ng Katipunan. Subalit, para sa akin, anumang kala­yaang sibil at politikal na mayroon tayo ngayon ay atin nang ipagdiwang at gamitin nang mainam. Ang hindi pagkilala nito ay pagyurak sa mga bayani na nagsakripis­yo ng lahat, maging buhay, para lamang magkaroon tayo ng mga karapatang sila mismo ay napagkaitang maranasan.
Samakatuwid, mabuhay ang kala­yaan!