Una sa Balita

Malapit sa Pangulo, eh ano ngayon?

0 626

Muling ipinakita ng politika ang bangis at pa­ngit na pagmumukha sa pamamagitan ng pagsakmal kay Presidential Spokesperson ngayon ay on-leave Secretary Harry Roque. Ang ‘matabil’ na kalihim ay halos lumunok ng laway sa kanyang pinakahuling pagharap sa Malacañang Press Corps sa isyu na tinabla nga ba o nilaglag siya ng Pangulo.

Nawala ang pagiging ‘madaldal’ ni Roque at naging kontrolado ang mga binitiwang pahayag partikular ng sabihin ni Pangulong Digong na hindi siya mananalo sa ‘senatorial elections.’

May katotohanan man o wala, masasaktan ang pinatutungkulan nito lalo na kung totoong mayroong ambisyon sa Senado.

Ang hindi nakaya ni Roque at naging ‘emosyonal’ ay ng palabasin ng Palasyo na siya’y nagmukhang ‘sinu­ngaling’ dahil itinago sa kanya ang impormasyon kung nasaan ang Pangulo noong hinahanap ito ng publiko.

Politiko si Roque at politiko rin ang Pa­ngulo. Sa loob at labas ng Palasyo ang mga nakapalibot ay puro politiko, may kanya-kanyang motibo.

Malas lang ni Roque umasa na makukuha ang suporta ng Pangulo.

***

Related Posts

Bagong direksyon

Seleksyon!

Digong’s magic

Bago pa si Roque, unang kinain at giniba ng bulok na sistema ng politika ay si dating House Speaker Pantaleon Alvarez. Noong nasa rurok ng kapangyarihan halos lahat ng politiko ay kulang na lamang ‘himurin’ ang kanyang talampakan, makakuha lamang ng biyaya ang mga ganid na politiko. Ang lahat ay kaibigan, nakukuha ni Speaker ang anumang gusto.

Subalit nang gibain ng anak ng Pangulo, ang mga ‘ulupong’ na kongresista, dagling nagbago ang anyo, walang 24-oras iniwan si Alvarez, bumalim­bing para kay dating Pangulo at ngayon Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Sa politika, ang pagiging ‘doble kara’ ay napakahalaga. ‘Di bale nang walang prinsipyo, basta lang manalo. ‘Di bale nang tawaging ‘hunyango’ uso naman ito. May prinsipyo nga at tapat sa ‘partido’ talo naman, kahit gusto ng mga tao.

***

Si Roque at Alvarez ay ilan lamang sa mga kaalyado ng administrasyong Duterte na itinumba dahil sa ‘politika’. Hindi nakapagtataka na may susunod pang “madidisgrasya” tulad ng nangyari sa dalawa.

Ang pagiging malapit sa Pangulo minsan ay hindi rin maganda. Mitsa rin ito ng inggit at intriga. Si Roque at Alvarez ay kapwa na­ging malapit sa kay Pangulong Digong su­balit nasaan na ngayon ang dalawa?

Si Alvarez, ordinaryong miyembro ng Kamara na lamang, samantalang si Roque, naka-leave of absence, hindi malinaw kung babalik o makababalik pa.

Ang buhay nga naman.