Una sa Balita

Malalaki na sila

By
0 4

Hindi nagustuhan ni Tim Cone ang ginawang pagtawag ni Norman Black ng timeout sa mga huling segundo ng Game 3 noong Miyerkules.

At para ipag-diinang hindi siya natuwa, hindi nakipagkamay si Cone kay Black matapos ang laro. Hindi rin siya sumipot sa interview room.

Alam ng lahat kung bakit nagalit si Cone. Tiyak na ang panalo ng Meralco at ilang segundo na lang ang natitira kaya wala ng dahilan para tumawag pa ng timeout si Black.

Kung nangyari ito sa NBA o sa US NCAA o ibang mga liga dito sa atin, maiintindihan din ng madlang tao si Cone. Sa lengguwahe ng basketball, bastusan ang nangyari.

Hindi ko na maalala kung kailan nagsimula ang ganitong kalakaran sa basketball.

Pero kapag ang coach ng natatalong koponan ang tatawag ng timeout sa ganitong sitwasyon, walang problema dahil alam ng lahat na gustong gamitin ni coach ang natitirang sandali para ma-practice ang isang play ng koponan na puwede niyang gamitin sa mga susunod na laro.

Pero iba ang sitwasyon kapag ang winning coach ang tatawag ng timeout.

Noong nagko-kober pa ako ng PBA, walang problema sa mga ganitong timeout. Basta mayroon pang timeout ang isang koponan, puwede itong itawag ng coach, lamang man o hindi ang kanyang koponan. Ganun kasimple ang buhay noon.

Simple lang ang naging sagot ni Black sa ginawang pag-snub sa kanya ni Cone. “That’s his problem.” Wala siyang pakialam magalit man si Cone.

May mga nagsasabing kasama sa taktika sa laban ang ginawa ni Black. Sa Ingles, he wanted to get under Cone’s skin.

Pang-asar lang, kung baga. Baka nga naman maapektuhan ang composure ni Cone sa susunod na laro.

Na-realize din naman ni Cone na mali ang kanyang ginawang pag-snub kay Black matapos ang laro dahil sa simpleng timeout.

Agad siyang nag-apologize sa madlang pipol isang araw matapos ang insidente at sinabing personal siyang hihingi ng apology kay Black.

Parehong champion coach sina Cone at Black. Sa Ingles, been there, done that. Pababayaan ba nilang maging mitsa ng hindi pagkakaunawaan ang simpleng timeout? Kung ako ang tatanungin, isang malakas na hindi.

Sabi nga ng isang katoto, malalaki na sila at alam na nila kung ano ang dapat nilang gawin maski na anong sitwasyon ang kanilang makakaharap.

Ang masasabi ko lang, amen. Bow!