Una sa Balita

Malacañang hugas-kamay sa sedition kay VP Leni, oposisyon

0 337

ITINANGGI ng Malacañang na may kinalaman sila sa isinampang sedition case laban kay Vice President Leni Robredo at ilang personalidad sa oposisyon.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na sariling desisyon ng Philippine National Police (PNP) ang paghahain ng kaso laban sa Pangalawang Pangulo at 30 iba pa mula sa oposisyon.

Marami aniyang trabaho si Pangulong Rodrigo Duterte para pag-isipan ang pagsasampa ng kaso kay Robredo, dahil nakikita naman kung paano nito nilalabanan ang korapsiyon sa bansa.

“Definitely, wala pong kinalaman ang Palasyo diyan, ang executive branch, this is the own—the decision of PNP at wala po kaming kinalaman diyan,” ani Andanar.

Kaugnay naman sa bintang ng oposisyon na political persecution at harassment ang ginagawa ng administrasyon kay Robredo at iba pang kinasuhan ng sedition, sinabi ni Andanar na may mga abogado ang oposisyon na magtatanggol sa mga kinasuhan.

Ayon pa sa kalihim, kung mapapatunayang walang sedisyon sa naging aksiyon ng mga akusado ay mapapawalang-sala ang mga ito.

“Palagay ko naman mayroong sapat na mga abogado ang oposisyon and they can defend themselves. Kung talagang walang sedition, then they will go scot-free,” dagdag pa ni Andanar.

Magugunitang nagsampa ng kasong sedition ang PNP laban kina Robredo, Senador Leila de Lima at Rissa Hontiveros, dating Senador Paolo Benigno Aquino at Antonio Trillanes IOB at ibang miyembro ng Otso Diretso senatorial slate kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa viral video ng ‘Ang Totoong Narcolist’. (Aileen Taliping/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy