Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Malabon kinalampag MMDA sa 3 linggong baha

0 120

Kinalampag ng mga residente mula sa 10 barangay sa Malabon City ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na paspasan ang pagkukumpuni sa mga nasirang floodgate dahilan para patuloy silang malubog sa baha sa nakalipas na tatlong linggo.

Nagsimulang dumanas ng pagbaha ang mga barangay ng Dampalit, Muzon, Ibaba, Hulong Duhat, Flores, Bayan-Bayanan, Baritan, Concepcion, San Agustin at Tañong noong Hunyo 11 nang masira ang floodgate ng MMDA sa bahagi ng Dampalit at Tanza sa Navotas.

Sa kanyang post sa Facebook, ibinahagi ni Ferdie Maglalang ng Barangay Bayan-Bayanan ang mga larawan ng mga eskinita sa kanilang lugar na lubog pa rin sa baha na aniya ay umaabot pa ng hanggang baywang ang taas kapag high tide.

Bukod sa mga gamit nilang nasira dahil sa pagkababad sa tubig, wala rin umano silang kuryente at ilang poste ang madalas na magkislapan na pinangangambahan nilang pagmulan pa ng malaking sunog.

Dahil dito ay mas natatakot ani­ya sila sa mas malaking perwisyo na posibleng mangyari sa nakaambang high tide sa Hulyo 12 at 17.

Nababahala rin umano sila sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis dahil sa matagal na pagkakababad sa baha. Hindi rin umano makapasada ang mga jeepney at trike driver dahil sa sinusuong na mabaho at mataas na baha.

Sinabi ni Maglalang na halos walong taon na silang hindi dumaranas ng pagbaha kaya walang katotohanan na normal lang ang baha sa Malabon.

Ang pagbaha ay bunsod ng patuloy na kinukumpuning dalawang flood gate ng MMDA na anila ay luma na kaya dapat ng palitan. Kailangan umano itong sumailalim sa emergency repair nang magkaproblema ang gate noong Marso. Mahigit dalawang dekada na ang nasabing pasilidad at patuloy umanong masisira ang mechanical at electrical components ng gate kapag hindi inayos ang pagkakahabay ng link arm at pagpapalit ng mga nasirang bahagi.

Leave A Reply

Your email address will not be published.