Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mala-riding in tandem! DFA maaga ‘pinatay’ ang biktima ng pamamaril sa US

0 118

Nakakalungkot ang sinapit nitong si John Albert “Jal” Laylo, ang 35-anyos na Pilipinong abogado na nabaril sa Philadelphia sa Estados Unidos habang papunta sa airport lulan ng isang Uber car noong Sabado ng madaling araw (Linggo sa Pilipinas).

Ayon sa social media post ng kanyang ina na si Leah Bustamante Laylo, si Jal ay pumanaw na kahapon, ilang oras matapos ang insidente, dahil sa tama ng bala sa ulo.

Si Ginang Laylo ay nagtamo din ng bahagyang pinsala dahil sa talsik ng mga basag na salamin dulot ng anim na bala na tumagos sa sasakyan na kanilang sinasakyan.

Nang mangyari ang masaklap na insidente, ang mag-ina ay nagbabakasyon lamang at binibisita ang kanilang mga kamag-anak na nakabase sa Estados Unidos.

Lubhang nakakabahala na ang sunod-sunod na karahasan dulot ng paglaganap ng armas sa Estados Unidos. Tinatayang aabot sa humigit-kumulang sa 400 milyong mga baril ang bilang ng nasa kamay ng 332 milyong populasyon nito. Ito ay isang mahalagang paksa na ating tatalakayin sa ibang pagkakataon.

Nais po natin iparating sa pamamagitan ng kolum na ito ang ating taos-pusong pakikiramay at pakikidalamhati sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Jal.

Pero alam n’yo ba na doblado ang aking pagkabahala matapos una natin mabalitaan ang insidente ng pamamaril?

Dahil ito sa ipinakitang ka-iresponsablehan at kaepalan nitong ilang taga Department of Foreign Affairs (DFA) sa pangunguna nitong papaalis nang sina Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) Sara Lou Arriola at si Philippine Consul sa New York Elmer Cato.

Halata ang kawalan ng mga ito ng tamang asal at sensibilidad sa mga kritikal at maselan na sitwasyon gaya sa nangyaring pamamaril. Biruin ninyo, habang nag-aagaw buhay pa lamang ang kaawa-awang biktima noong Linggo ng umaga sa isang ospital sa Philadelphia ay ‘pinatay’ na agad ito ng dalawa sa pamamagitan ng kanilang magkahiwalay na komento at post sa social media.

Maaga pa lamang ng Linggo ay mabilis na nagpahatid ng kanyang “pakikiramay” itong si Arriola sa pamilya ng biktima kahit halatang wala pa itong alam sa tunay na sitwasyon.

Sa nasabing komento sa social media, ibinida pa ni Arriola na ipinadala na umano ni Philippine Consul sa New York Elmer Cato ang deputy nito upang alalayan ang pamilya ng biktima.

Ilang oras pa lamang ang nakalipas ay ito namang si Cato ang naglabas ng isang tweet ng umano’y “pagkalungkot sa pagpanaw ng kababayan” na biktima ng pamamaril.

Sa kanilang pahayag sa social media, ipinakita lamang ni Arriola at Cato na tila sila ay hindi totoong nagtatrabaho at gumaganap sa kanilang tungkulin.

Noong may isang netizen ang sumita dito kay Cato na buhay pa umano ang biktima, doon lamang sinabi nitong si Consul na sila ay naimpormahan na umano at “papunta na sa Philadelphia ngayon”.

Nakonsensiya marahil, nag-tweet ng pagtatama itong si Cato at nanawagan sa sambayanan na “ipagdasal na lamang ng taimtim” ang biktima na malagpasan ang kinakaharap.

Ano ba ang dapat na inasal at sinunod na proseso ng ating inaakalang responsableng diplomat gaya ni Arriola at Cato bago umepal sa social media? Magberipika muna sana ng mabuti dahil napakalaki ng responsibilidad ang kanilang hawak bilang tagapaghatid ng tumpak na impormasyon sa publiko.

Mangliliit sa kaepalan itong si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. sa ipinamalas ni Arriola at Cato. Sinobrahan ng dalawa ang pagiging bibo, ayun sumabit tuloy.

Pero teka muna, hindi ba’t ito ring si Arriola at Cato ang ilan sa mga ‘cast of characters’ na itinuturong umano’y nasa likod ng kahiya-hiyang diplomatic ‘faux pas’ na nangyari sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait noong 2018?

Leave A Reply

Your email address will not be published.