Una sa Balita

Makukupad na ambassador at consul binalaan ng DFA

By
0 4,253

TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga embahada at konsulado sa ibang bansa na ipagkakaloob lahat ng suporta at resources na kailangan upang ma­pagsilbihan ang ating mga kababayan ng mas mabilis at mas mahusay.

Ito ang pahayag kahapon ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa harap ng 30 ambassador at consul general na dumalo sa dalawang araw na command conference sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Binalaan ni Cayetano ang mga ito na umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na alagaan ang mga pangangailangan ng mga Filipino kaya’t hindi pupuwede ang makukupad sa trabaho.

Ito aniya, ay nakabatay sa direktiba ng Pangulo na tiyakin na ang lahat ng ahensya ng pamahalaan ay makakapagbigay ng mabilis, mabisa at pinahusay na serbisyo sa mga Filipino sa buong mundo.

Sinabi naman ni Fo­reign Affairs Undersecretary for Migrant Worker­s Concerns Sarah Lou ­Arriola, tinalakay din sa conference ang iba pang isyu, kabilang ang migration, security, extre­mism at terrorism sa Asia-Pacific­ region.

Bukod pa ang passport at consular-related issues, ang pagpapatupad ng bagong panuntunan sa Assistance to Nationals at Legal Assistance Funds for Overseas Filipinos.

Ang conference ay pinakabago sa ilang mga regional consultations upang i-update ang mga Filipino diplomat sa mga pagsisikap na protektahan ang mga karapatan at itaguyod ang kapakanan ng mga Pinoy sa ibang bansa.

Ginawa ang confe­rence matapos ikagalit ni Pangulong Duterte ang ginagawang pagmamaltrato sa mga Filipino sa Middle East, kabilang na dito ang pagpatay ng mag-asawang Lebanese at Sy­rian employer kay Joanna Demafelis sa Kuwait.

Ipinasibak ni Pangulong Duterte ang labor attaché ng Kuwait dahil sa ginawang pang-iisnab sa pamilya ni Demafelis noong humihingi sila ng tulong na hanapin ang nawawalang domestic helper.

Bagama’t kargo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga labor attaché, trabaho din ng DFA na pangalagaan ang mga overseas Filipino worker sa alinmang panig ng mundo. (Armida Rico)