Una sa Balita

Makati nandiri sa POGO

0 590

NAGDEKLARA ng indefinite moratorium ang Lungsod ng Makati sa pag-isyu ng mga bagong business license at permit sa mga service provider ng mga Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.

Ayon kay Mayor Abigail ‘Abby’ Binay, pansamantalang tinigil ang pagtanggap ng mga aplikasyon mula sa mga POGO service provider upang maiwasan ang paglala ng kriminalidad at prostitusyon sa lungsod.

Aniya, paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang pagsugpo sa anumang iligal na aktibidad na may kaugnayan sa mga POGO sa Makati at kanilang mga emple­yado.
Tinukoy rin ng alkalde ang ‘overheatin­g’ sa residential at commercial leasing market bilang pangunahing dahilan ng pagpapatigil sa pagpasok ng naturang mga kompanya.

Dahil sa pagdagsa ng libo-libong banyagang manggagawa ng mga POGO, tumaas ang pangangailangan sa tirahan at opisina sa lungsod kasabay ng mabilis namang pagtaas ng mga presyo sa property sector. Ito ay nagiging sanhi ng overheating sa sektor, na makakapagpabagal sa pag-unlad ng sektor at ng ekonomiya.

Binigyang-diin ni Mayor Abby na halos lahat ng mga POGO service provider na nasa Makati ay lisensyado ng Pagcor at lehitimong nakarehistro sa Business Permit and Licensing Office. Sa katunayan, mahigit P200 milyon kada taon ang nakokolektang buwis ng lungsod mula sa mga POGO service provider.

Tiniyak ng alkalde ang malugod na pagtanggap ng lungsod sa mga lehitimong negosyo na sumusunod sa batas at mga ordinansa, kabilang na ang pagbabayad ng wastong buwis. Ibayong pagsisikap naman ang ginagawa ng lungsod upang mapanatili ang tahimik at maayos na paligid na nagpapalago ng mga negosyo at nag papaunlad sa mga tao.

Nitong mga nakaraang buwan, naitala ang pagdami ng iligal na gawain na kinasasangkutan ng POGO employees, na karamihan ay Chinese. Ipinasara ng pamahalaang lungsod ang apat na iligal na mga POGO service provider, dalawang establisyimentong ginamit na mga prostitution den, at isang maruming restaurant at catering company.

Nakakumpiska rin ng P2.5 bilyong hala­ga ng iligal na droga ang mga awtoridad mula sa isang apartment na nirerentahan ng isang Chinese national.

Dagdag pa ni Mayor Binay, dumami ang mga iligal na paupahang apartment dahil sa pagdagsa ng mga empleyado ng POGO, na nagiging sanhi ng pagsisiksikan at kakulangan sa fire exit, pagkakaroon ng mga depektibong fire alarm system.

Sa kasalukuyan, may mahigit 300 POGO service provider sa Makati na may libo-libong empleyado, na karamihan ay Chinese nationals.

Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ng mga ito ang live e-casino video streamin­g, call center, marketing at iba pang technical support sa POGO.
Noong Agosto pinatigil na rin ng Pagcor ang pag-iisyu ng lisensiya sa mga POGO matapos manawagan si Chinese President Xi Jinping sa pagsasara ng mga ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy