Una sa Balita

Makabagong teknolohiya, lumilikha ng trabaho

By
0 774

Pinagdiriwang po ngayong buong buwan ng Hunyo ang 10th National Information and Communications Technology (ICT) Month sa bisa ng Proclamation No. 1521.

Dahil kritikal po talaga ang papel ng ICT o ma­kabagong teknolohiya tulad ng internet, computer at mobile phone sa pagpapalakas ng ating ekonomiya lalo’t higit sa paglikha ng trabaho, nagtatag po ng isang hiwalay na Department of Information and Communications Technology (DICT) noong 2016 para tumutok sa ating national ICT development agenda.

Kaugnay nito, sinuportahan po natin ang agarang pagpasa ng RA 10929 na magbibigay daan sa Free Internet Access Program sa lahat ng mga pampublikong lugar sa bansa.

Bagama’t nalulungkot po tayong nagagamit ang internet lalo na ang social media para sa ‘fake news’, hindi maikakailang kapaki-pakinabang ang mga makabagong teknolohiya sa hanap-buhay ng ating kababayan. Nangunguna po ang IT-BPO Industry sa paglikha ng trabaho sa larangan ng ICT kung saan may mahigit 1.2 milyong manggagawa ang nabibiyayaan ng direktang trabaho sa ngayon.

Related Posts

Malaki rin po ang pa­kinabang ng mga Pinoy internet user sa patuloy na pag-unlad ng ICT sa bansa. Tinatayang may 48 milyong Pilipino po ang active user ng Facebook. Bukod sa mga personal account, laman din po ng FB ang mga business page ng mga kumpanya, produkto o maging mga indibidwal na nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo sa publiko. Siyempre po, kapag buhay ang komersiyo at maraming negosyo, marami rin pong oportunidad at trabaho.

Panawagan lang po natin sa DICT na dagdagan pa nila ang kanilang pagbabantay para maiwasan ang pang-aabuso ng mga online seller o anumang business transaction na ginagawa online. Samantala, gumagawa rin naman po ng paraan ang FB para tiyaking ligtas ang ating kababayan lalo na ang mga OFW kapag sila’y online.

Ngayong Hulyo, sisimulan po ang pagsasanay ng humigit kumulang 40,000 outbound OFW sa tulong ng OWWA.

May official job portal din po ang gobyerno, ang Philjobnet.ph, kung saan may 18,000 job vacancy pong inaalok ngayon. (senatorjoelvillanueva@yahoo.com)