Una sa Balita

Mahusay,maaasahan ang mga doktor na Pilipino

0 600

Sa pagbabalik sesyon natin sa senado, may mga ilang panukalang batas na rin ang ating natalakay sa kabila ng banta na ating kinahaharap dulot ng COVID-19. Nananatiling tapat at totoo sa kanya-kanyang sinumpaang tungkulin ang lahat ng inyong mga senador upang makapag-balangkas at makapagpasa ng mga batas na magtataas ng kalidad ng pamumuhay at masisiguro ang kaligtasan ng bawat Pilipino.

Hindi maikakaila ang kahalagahan ng medical practitioners sa lipunan dahil sila ang ating mga tagapagpanitili ng magandang kalusugan ng mamamayan. Sila ang nagsisigurong malusog ang bawat Pilipino at aktibong nakikiisa sa pagsusulong ng magandang ekonomiya ng bansa. Ang krisis pangkalusugan na ating kinahaharap ngayon ay nagpamalas ng mahalagang parte ng lahat ng nasa medical profession. Kabilang sa mga ito ang ating mga doctor na itinuturing na isa sa pinakamahuhusay sa buong mundo, hindi lamang sa utak kundi pati na rin sa puso.

Kaya naman, bilang Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, buo ang ating suporta sa pagpapasa ng panukalang batas na Senate Bill No. 1520 o ang “Medical Scholarship Act.” Ako rin ay isang iskolar noon sa kolehiyo pati na sa PMA na nagtiyaga upang makamit ko ang aking mga pangarap sa kabila ng hirap ng buhay.

Kaya naman sa aking pananaw, napapanahon nang magkaroon ng nabanggit na batas upang mapagtibay ang pagbibigay ng suporta ng gobyerno sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral na nangangarap maging doktor.

****** ****** ****** ******

Katulad nga ng aking nabanggit, kilala ang mga Pilipinong doctor bilang mahuhusay at dedikado sa kanilang propesyon, kaya dapat lamang na tayo’y makapagpa-graduate ng mas maraming doctor mula sa mga susunod na henerasyon. Bukod pa dito ang masakit na katotohanang nailantad ng COVID-19: kulang na kulang talaga ang ating mga doktor. At ang kakaunti nilang bilang ay nabawasan pa dulot ng kabayanihan ng mga ito na labanan ang COVID-19.

Base sa pinakahuling datos mula sa Professional Regulation Commission, mayroon lamang na 84,783 lisensyadong doctor sa bansa at sa numerong ito, 28,428 lamang ang nagpa-practice ng propesyon sa bansa. Sa katunayan, ayon sa impormasyon mula sa Philippine Statistics Authority, anim sa bawat sampung Pilipino ang namamatay nang hindi man lamang natitingnan ng doktor.

Napapanahon na talagang maipasa ang panukalang batas na ito na isinusulong ng ating mga kasamahang senador. Ang Senate Bill No. 1520 ay principally authored ni Senate President Vicente Sotto III at principally sponsored ni Senador Joel Villanueva na siyang chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

Hinihikayat ko ang lahat na suportahan ang panukalang ito upang mapabilis ang pagkakaroon natin ng sapat na doktor sa bansa.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More