Una sa Balita

Mahiya naman kayo sa pera ng taumbayan

0 735

Overpriced, may pinaborang contractor, walang bidding, inaprubahan ang kontrata kahit kuwestiyonable ang kapabilidad ng kinuhang kompanya.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga karaniwang dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema sa pagpapatupad ng mga programa o proyekto ng pamahalaan.

May mga umiiral na batas na dapat sundin pero binabalewala ng iba. Ito ang nagiging dahilan kung bakit naaantala ang isang proyekto kapag may kumuwestiyon sa ligalidad nito.

May Bidding and Awards Committee na siyang nanga­ngasiwa sa mga proyekto ng gobyerno na kinasasangkutan ng malalaking halaga. Pero maraming kaso na rin na kinasasangkutan pa mismo ng mga taong nangangasiwa sa nasabing komite.

May Procurement Law kung saan nakasaad ang mga panuntunan para sa lahat ng ahensiya ng gobyerno pero bakit ba hindi masunod ang batas na ito? Marami pa rin ang lumalabag.

Mahaba na ang listahan ng mga iregularidad sa paglustay sa pondo ng gobyerno. Naririyan ang mga resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit bilang halimbawa ng mga nadidiskubreng katiwalian sa mga programa o proyekto ng gobyerno.

Dapat sa umpisa pa lamang ay ayusin na. Siguraduhing batay sa mga itinatakda ng batas. Pero may mga pasaway talaga na naglalaway sa pera ng taumbayan at gustong makihati pa dito gamit ang impluwensiya ng kanilang katungkulan sa pamahalaan.

Mahiya naman kayo hindi sa inyo ang pera na ‘yan!