Una sa Balita

Mahirap maging senior citizen!

By
0 960

Nahahaluan na ng emosyon ang pagpapatuloy na imbestigasyon ng Kongreso sa kontrobersiyal na bakunang Dengvaxia.

Ilang mga magulang ang sumugod sa pagdinig ng House Committee on Health at hinahabol si dating Health Secretary Janette Garin habang papasakay ng elevator.

Muntik nang magkapisikalan, buti na lang at maagap ang mga House security personnel.

Hindi maiiwasan na maging madamdamin ang mga magulang lalo na kung namatayan ng anak.

Sana matunton ang katotohanan sa kasong ito ng Dengvaxia.

Kung may nagkamali, tukuyin ang may sala at parusahan.

***

Marami ang nagtatanong kung may patutunguhan ba ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara at Senado sa ‘Dengvaxia’.

Bagama’t nabu­bunyag sa publiko ang mga detalye sa napakamahal na bakunang Dengvaxia, na ang perang ipinangbayad ay mula sa pondo ng bayan, mukhang ang nakikinabang lamang ay ang mga politiko na may sariling agenda o motibo.

Mukhang may punto ang panawagan na itigil na ng Kongreso ang pagdinig at hayaan na lamang ang lupon ng mga eksperto na mag-imbestiga para masiguro ang patas na imbestigasyon.

***

Nananawagan sa mga kinauukulan ang kaanak ng isang senior citizen sa Batangas City dahil ang kanilang ama ay siningil nang sobra.
Kanilang inire­reklamo ang St. Patrick’s Hospital Medical Center na na­ningil ng P201,502 (P30,068 hospital charges at P171,434 sa ‘professional fee’ para sa tatlong doctor).

Si Mang Eduardo Borja, ay nagbayad ng P136,961 matapos kaltasin ang benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corporation.
Ayon sa anak ng senior citizen, noong Agosto 2016 na-confine ang kanyang ama sa nabanggit na ospital dahil sa isang maliit na sugat na kailangan tahiin.

Isang gabi lamang nanatili si Mang Eduardo at nang lalabas kinabukasan laking gulat ng pamilya na kailangan nilang sumuka ng mahigit sa P200,000.

Ang malungkot, ayon sa anak, hindi kinilala ng St. Patrick’s Hospital Medical Center ang karapatan at benepisyo na nauukol para sa isang senior citizen.

Paglabag ito sa Republic Act No. 9994 ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, na ang mga ‘senior citizen’ ay ‘entitled’ sa ‘20 percent discount’ at ‘exempted’ sa 12 percent VAT sa ‘medical services and doctors’ fees’.