Una sa Balita

Mahigit P1M halaga nasamsam Sindikato na nagpapakalat ng pekeng pera nalansag

By ,
0 1,836

Nalansag ng pulisya ang malaking sindikato na nagkakalat ng pekeng pera sa ilang bahagi ng Metro Manila matapos madakip ang anim na katao kabilang ang lider ng grupo sa ikinasang operasyon ng pulisya kung saan aabot sa P1 milyon pekeng pera ang nasamsam kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Jaypee Balis alyas Jheppy Sanday, umano’y lider ng grupo; Aladin Akil; Satar Akil; Ramil Badang; Alpha Sabar; at Watari Kusay, pawang mga residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng gabi nang magsisilbi sana ng warrant of arrest dahil sa illegal possession of firearms ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) sa pangunguna ni Chief Insp. Arnold Moleta laban sa suspek na si Balis sa No. 32 Sto. Tomas St., Pinalad, sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Subalit pagpasok ng raiding team sa loob ng bahay ay tumambad sa kanilang harapan ang bungkos ng pekeng perang P1,000 at P500 denominasyon na umaabot sa halagang P1 milyon.

Bukod sa nasabing halaga ng pekeng pera ay nakuha rin sa mga suspek ang ilang kalibre .38 na baril at mga bala nito.

Napag-alaman pa sa pulisya na ang pekeng P1,000 ay ibinibenta ng sindikato sa halagang P300 habang ang pekeng P500 naman ay naibebenta nila sa halagang P100.

Sinampahan na ng kaukulang kaso ang mga suspek habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang kaso.