Una sa Balita

Mahigit 10 Maute na lang sa Marawi – AFP

By
0 6

Mahigit 10 kasapi pa ng Maute terror group ang tinutugis pa rin ng militar kasabay ng pagsisikap na mailigtas ang sampung natitirang bihag sa battle zone area sa Marawi City.

Ayon kay Maj. Gen. Restituto Padilla, spokesperson ng AFP, kabilang sa mga tinutugis ang dalawang dayuhang terorista na nakikipagbakbakan pa rin sa militar.

Gayunman, mahina na ang puwersa ng Maute ISIS group kaya kumpiyansa ang militar na maaaring masusukol na rin mga ito sa mga susunod na araw.

“Base sa report na ­aming tinatanggap sa battle ground dalawa pang dayuhang terorista ang naiiwan dun sa kabuuang grupong iyon pero yung local terrorists po ay hindi natin makuha ang angkop na bilang dahil kada may nare-rescue po tayong mga hostages ay nagkakaiba iba po ang bilang na binibigay kaya hindi po natin malaman ang exact numbers,” pahayag ni Padilla.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng militar ang DNA test ng US FBI sa hinihinalang bangkay ni Omar Maute.

Kamakalawa nang kumpirmahin na ng US FBI na bangkay ni ASG leader Isnilon Hapilon ang napatay base sa resulta ng DNA test.

Kaugnay naman ng reward money sa mga ulo nina Hapilon at Omar Maute, tiniyak ni Padilla na mapupunta sa kamay ng angkop na tao ang nasabing pabuya.