Una sa Balita

Mahawa sana ang buong kapulisan

0 524

Karaniwang sinasabing ang anumang sobra ay masama pero kaiba ito sa kaso ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar. Ito’y dahil kasipagan ang sinosobrahan ng ating NCRPO director.

Hindi talaga matatawaran ang serbisyong ibinibigay ni Director Eleazar. Sa sobrang dami ng kanyang mga nila­lagareng commitment sa araw-araw, masasabi nating si Director Eleazar na yata ang pulis na walang pahinga.

Nitong isang araw lamang ay kasama si Eleazar sa Solidarity Walk: Lakad sa Kapayapaan Iwaksi ang Karahasan sa Quezon City Memorial Circle. Bago ito ay nasa Gol­den Mosque si direktor kung saan nagkaroon ng prayer rally para ipanalangin ang pagkakaroon ng kapayapaan at unity sa bansa dahil nga sa nangyaring pambobom­ba sa Jolo cathedral at sa isang mosque sa Zamboanga.

Dumalo rin sa Solidarity Walk sa Manila Bay si Director Eleazar para ipakitang buo ang suporta ng kapulisan sa pagmamahal at pagbibigay proteksyon sa kalikasan.

At dahil nalalapit na ang midterm election, abala rin ang NCRPO chief sa pag-iinspeksyon ng mga Comelec checkpoint. Personal ding pinuntahan ng NCRPO chief ang mga lugar kung saan nakakum­piska ng mga firearm, explosive and ammunition tulad sa Malabon at Taguig.

Kaliwa’t kanan din ang pag-iinspeksyong isinasagawa ng director sa mga matataong lugar tulad ng LRT, MRT, mall at iba pa para masigurong nababantayan ang kaligtasan ng publiko lalo na nga at may mga pambobombang naganap sa Mindanao.

Sa gitna ng lahat ng ito, hindi pa rin nawawala ang pokus ng heneral sa kampanya laban sa iligal na droga nang personal itong sumama sa operasyon sa Taguig City para sa implementasyon ng pagsisilbi ng search warrant kung saan lima ang arestado, 1 patay at nakakumpiska pa ng mahigit 800 kilo ng shabu at isang baril.

At dahil na rin sa magandang halimbawang ipinapakita ni Director Eleazar, mahihiya talaga ang kanyang mga nasasakupan na matulog sa pansitan. Mukha ngang nagsisipag rin ngayon ang mga opisyales at buong kapulisan sa Metro Manila kaya naman kung ikukumpara ang naitalang krimen noong Enero 2018 nakapagtala ng pagbaba sa Ene­ro ng taong ito. Ang mga murder case na dating 64 ay naging 40, rape na dating 89 ay naging 79, robbery incident na naitala sa 193 kumpara sa dating 211, kalaha­ting porsiyento rin ang ibinaba ng carnapping habang sa motorcycle-napping ay naging 65 ang naitalang insidente kumpara sa dating 87.

Kung nakakahawa ang kasipagan, sana ay mahawahan ng ating NCRPO chief hindi lamang ang lahat ng kapulisan sa Metro Manila at sa buong bansa kundi pati na rin ang mga halal nating opisyal, lokal man o nasyunal. Kung lahat ay magsisipag sa mga tungkuling iniatang sa kanila, makakamit ng bansa ang hinahangad nating kaayusan at kapayapaan na harinawa ay maghahatid sa atin ng pinakaaasam na kaunlaran.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy