Una sa Balita

Mahalagang aral mula sa OFW sa London

By
0 1,178

Kakaiba ang ‘Istor­ya ng Pag-asa’ na narinig ko nitong nakaraang Linggo. Maliban sa kalakasan ng loob at pagpupursiging ipinapa­kita ng ating mga overseas Filipino worker (OFW), may isa pang katangiang ipinamalas si Virginia ‘Angie’ de Villa mula London.

Sa Tottenham, London nakilala ni VP Leni Robredo si Angie nito lang nakaraang linggo.

Bahagi ng progra­mang Biserbisyong Leni ang pagkuwento ng mga ‘Istor­ya ng Pag-asa’ tuwing sasapit ang Linggo. Kasama ni ka-Ely Saludar, layunin ng programang baguhin ang usapan — palitan ang mga nakaka-bad vibes na kuwentuhan ng mga istoryang nagpapalakas ng loob at nakapagpapaganda ng araw.

Katulad na lang ng kuwento ng buhay ni Angie. Grade 3 lang ang tinapos niya, pero hindi ito naging balakid para salubungin niya nang buong tapang ang mga pagsubok, at baguhin ang kanyang kinabukasan.

Maaga siyang nag-asawa, dahil ang pag-iisip niya’y ito ang makakapagpabago ng kanyang buhay. Sa edad na 23, apat na ang anak niya, at hirap pa rin sila noon sa probinsya ng Quezon.

“Sabado’t Linggo, nagtitinda ako sa palengke ng mga gulay—may bayabas, may talbos ng sili. Lahat iyan, basta lahat ng makikita kong maha-harvest ko sa aming lugar, ibebenta ko iyan.”

Ganyan ang buhay ni Angie, hanggang sa magkaroon ng pagkakataong mangibang-bansa. Sinunggaban niya ito at nagtungong Kuwait bilang isang domestic worker at dahil dito, nakalipad naman siya patungong London.

Sa London tumakas si Angie mula sa mga employer na hindi maayos ang pagtrato sa kanya—tirang pagkain at walang suweldo.

Napakahaba at napakarami ng pagsubok na pinagdaanan ni Angie. Namasukan siya sa isang nursing home, tapos sa mangilan-ngilang mga fast food chain, at sa mga salon. Sa huli niyang pinasukan, naalala ni Angie ang isa sa mga pangarap niya sa buhay.

Ang pagkakaroon ng salon ang isa sa mga gustong-gusto niyang makamit. At dahil sa pagpupursigi ni Angie at suporta ng asawa, nakamit niya ang kanyang pangarap. Ang Thumbelina Salon sa London ang bunga ng ilang taong paghihirap at pagtatrabaho ni Angie.

Pero hindi dito nagtatapos ang kuwentong kakaiba.

Sa mga taong na­ngibang-bayan si Angie, patuloy ang pagsuporta niya sa kanyang mga anak sa Pilipinas. Pilit niyang pinag-aral ang mga bata, pero sila mismo ay ayaw itong ipagpatuloy.

Ito ang isa sa tumatak sa akin sa kuwento ni Angie. Katulad ng maraming magulang na OFW, patuloy tayong sumusuporta sa ating mga naiwang pamilya. Patuloy ang pagbigay, halos laging hindi iniisip ang sarili.

Ipinakita ni Angie ang lalim ng pagmamahal ng isang magulang. Hindi lang suporta sa pamamagitan ng materyal na bagay niya ito ipinakita, kung hindi sa pagturo sa kanila na sila mismo ay kailangang magsikap at lumaban para sa kanilang kinabukasan.