Una sa Balita

Mahalaga ang bakuna

0 436

Madalas nating marinig ang kasabihang “Ang Kalusugan ay Kayamanan.” Ito ang temang pinag-usapan namin sa aking programa sa Radyo (Tagalog Republik, Radyo Natin Laguna 106.3 FM) nitong nakaraang Sabado. Ang naging paksa namin ay ang pagbaba ng tiwala ng ating mga mamamayan sa programa sa bakuna ng ating pamahalaan.

Ang nakakalungkot na kaganapang ito ay sobrang nakakabahala kung kaya’t kahit ang ating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsalita na upang hikayatin ang mga magulang na huwag katakutan ang mga bakuna. Ayon nga sa kanya, “‘Wag kayong pakasisiguro at ma­ging kampante dahil kailangan ‘yan ng mga sanggol. Mahusay para sa kalusugan ng mga bata ang bakuna bilang proteksyon mula sa tigdas, polio at hepatitis.”

Ginawa ito ng ating Pangulo upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pagpapabakuna na nawala dulot sa isyu ng Dengvaxia laban sa sakit na dengue. Ang aksiyong ito ng ating Pangulo ay maganda sanang paunang hakbang subalit ‘di ito nagi­ging epek­tibo masyado dahil sa kawalan ng kooperasyon ng lahat ng sa­ngay ng pamahalaan.  Habang umuusad sa pagsasampa ng kaso ang Department of Justice laban sa mga nasangkot sa isyu ng Dengvaxia at patuloy ang bangayan ng Department of Health at ng Public Attorney’s Office, lalong ‘di nagiging madali ang pagbabalik ng tiwala sa Bakuna ng taong bayan.

Tunay na natanggal na ng Pilipinas ang sakit na polio noong 2000 at nawala na rin ang problema sa maternal at neonatal tetanus noong 2017, gayunpaman, bumagsak naman tayo sa tinatawag na “routine immunization” laban sa mga sakit tulad ng measles, diphtheria at hepatitis B. Kaya naman, samantalang ang ibang mga bansa ay tumaas ang kanilang immunization coverage, tayo sa Pilipinas ay malaki ang ibinababa.

Malaki ang papel ng bakuna upang mapa­ngalagaan ang mga bata laban sa pagkakasakit na maaring ma­ging sanhi ng kanilang maagang kamatayan. Sa Pilipinas, nagbibigay pagkakataon ito upang ang mga gastusin laban sa pagkakasakit ay mailagay sa pagpapatupad ng isang “strong health system”. Ang pagbabakuna ay nakapagtatagaguyod rin ng isang malusog na “labor force” na magpapataas ng kanilang “productivity”. Kaya ang panawagan natin sa mga magulang, pabakunahan ang inyong mga anak.  Huwag ninyong intindihin ang isyu ng Dengvaxia dahil iba ang bakunang Dengvaxia laban sa dengue sa mga bakunang laban sa polio, tigdas, hepatitis B atbp.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy