Una sa Balita

“Mahal ko si Kris! Tutulungan ko siya!” — Willie Revillame

By
Kris Aquino at Willie Revillame
0 8

Sa pamamagitan ng talent manager na si Arnold Vegafria, nagkausap sina Kris Aquino at Willie Revillame sa Edsa Shangri-La hotel noong Huwebes dahil nagpapapatulong ang TV host-actress sa Wowowin host na magkaroon ng television show.

Si Kris ang unang nag-post sa social media tungkol sa meeting nila ng kanyang “future boss” kaya hiningi namin ang reaksyon ni Willie.

Ikinuwento ni Willie na si Arnold ang tumawag sa cellphone niya dahil gusto ni Kris na makipag-meeting sa kanya.

“Sinabi sa akin ni Kris na gusto niya na maging babae na Willie Revillame. Ang sabi ko sa kanya, dapat na magpakumbaba siya kung gusto niya na makabalik sa TV.

“Tutulungan ko si Kris. Tutulungan ko talaga siya hindi dahil sa anupaman. Dahil mahal ko siya, dahil anak siya ni Tita Cory, dahil mabuti siya na tao. Wala siyang mean bone sa katawan,” ang pahayag ni Willie sa Abante.

Nagpahiwatig din si Kris ng kagustuhan na lumabas sa Wowowin, ang top rating game show ni Willie sa GMA 7. Ayon kay Willie, may posibilidad na i-guest niya si Kris sa Wowowin bago mag-Pasko. Aayusin daw niya ang guesting ni Kris para malakas ang impact.

Isang show na parang American Idol na pagsasamahan nila ni Kris ang naiisip ni Willie na project kung sakali na positive ang pakiki­pag-usap niya sa mga big boss ng Kapuso Network tungkol sa kagustuhan ng TV host-actress na magkaroon ng programa sa GMA 7.