Una sa Balita

Mahabang pasensiya, kailangan

By
0 541

Kalimitan, mabagal ang daloy ng trapiko kung may ‘road construction’. May katatawanang biro, kapag may ‘road acti­vity’, makikita ang babalang ‘Caution, Slow Men at Work!’

Wala na yatang lugar sa Metro Manila ang hindi apektado ng mga ‘road repair’ na isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa Quezon City lamang, peligro sa mga panahong ito na pumasok sa mga alternatibong kalsada dahil sangkaterba ang mga binubungkal na daan tulad sa Scout area.

Kapag hindi pamil­yar sa lugar ang isang ‘motorista’ sa halip na mapabilis ang biyahe ay maaantala.

Naghahabol ang DPWH na matapos sa lalong madaling panahon ang mga ‘road at drainage repair’ bago pa magsimula ang tag-ulan.

***

Iba naman ang nangyayari sa North Luzon Expressway at Subic-Clark Tarlac Expressway kahit may ‘ongoing road maintenance at repair’, tuloy-tuloy lang ang daloy ng mga sasakyan dahil may sistemang ipinatutupad.

Nanawagan naman ang pamunuan ng North Luzon Expressway Corporation sa mga motorista na magbaon ng mahabang pasensiya resulta ng ‘maintenance activity’ sa NLEX at SCTEX.

Ayon kay Romulo Quim­bo, Senior Vice President for Communications ng NLEX Corporation, kailangang isa­gawa ang ‘maintenance activity’ para sa ligtas at maayos na biyahe ng mga motorista.

Mula sa Balintawak, Sta. Ines sa Pampanga, hanggang Subic, Zambales ay magkakaroon ng mga ‘patching acti­vity’ at ang pinakamala­king trabaho ay ang rehabilitasyon ng Candaba Viaduct na nag-uugnay sa Lalawigan ng Bulacan at Pampanga. Kaila­ngan na kasing palitan ang lumang konkretong tulay.

Sa tagal na ng tulay at sa daming sasakyan ang dumaan gano’n na rin ng mga lindol na naganap, ang ‘integridad’ ng Candaba Viaduct ay dapat lamang masiguro.

Kailangang magsakripisyo ng mga tinatawag na ‘stakeholder’ sa NLEX at SCTEX. Mahabang pasensiya at pakikipagtulungan mula sa mga motorista at mabilis na trabaho naman mula sa NLEX para agad matapos ang proyekto bago pa magsimula ang tag-ulan.

Ang napakagandang sitwasyon ay maayos ang daloy ng trapiko kahit may konstruksiyon sa kalsada.

Iyan ang magandang kombinasyon na ginagawa ng NLEX!