Una sa Balita

Magtulungan kontra nCoV

0 440

Nakalulungkot na may mga kababayan ta­yong nagpapakalat ng fake news sa kabila ng kinakaharap na problema sa pagpasok ng 2019 novel coronavirus (nCoV) sa Pilipinas. Hindi nakakatulong ang pagpapakalat ng maling impormasyon dahil nakakadagdag lamang ito sa takot at pangamba ng mamamayan.

Kaya nga agad na kumilos ang mga opisyales ni Pangulong Rodrigo Duterte para matigil ang pagkalat ng fake news sa nCoV. Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtugis sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa virus na ito at masampahan ng kaukulang kaso.

Tumulong na rin ang NBI at Philippine National Police (PNP) sa contact tracing sa higit 300 pasahero ng tatlong eroplanong sinakyan ng dalawang magnobyong Chinese na tinamaan ng nCoV. Isa sa kanila ang namatay noong Sabado, Pebrero 1. Dahil din sa fake news, hindi pa nake-cremate ang Chinese dahil sa tinatanggihan ito ng mga punerarya sa Metro Manila. May mga nababasa raw sila sa social media kaya natakot nang i-cremate ang namatay na chinese.

Hirap ang Department of Health sa contact tracing kaya 17% lang ng 331 pasahero ng tatlong flight ang nakausap ng tanggapan ni Secretary Francisco Duque, base na rin sa isiniwalat nilang impormasyon sa hearing ng Senate committee on health noong Pebrero 4. Ito ang mga pasahero ng Hong Kong-Cebu flight noong Enero 20-21, Cebu-Dumaguete flight noong Enero 21 at Dumaguete-Manila flight noong Enero 25.

Kaya napakalaki ng maitutulong ng NBI at ng Criminal Investigation and Detection Group ng PNP sa paghahanap sa mga pasaherong nakasama ng Chinese couple sa flight. Ganito rin dapat ang isipin ng marami nating kababa­yan para maka­tulong tayo sa gobyerno imbes na maging sakit pa ng ulo.

Nakalulungkot din na mayroon tayong kababayan sa Albay na gumawa pa ng prank. Nagbiro itong lalaking vlogger na tinamaan siya ng nCoV habang nasa isang mall sa Legazpi City. Hindi nakakatuwa ang ginawa ng vlogger. Ginawa niyang katatawanan ang problema na kumitil na ng maraming buhay sa China, isa sa Pilipinas.

Nag-sorry na ang lalaki sa kanyang pagkakamali pero dahil may nilabag siyang batas ay kinasuhan siya ng Legazpi City police ng “Alarm and Scandal.” Magsilbi sanang aral ito sa iba pa nating kababayan.

Ginagawa na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang lahat ng hakbang para mapigilan ang pagkalat ng nCoV. Sana naman ay tumulong din tayo para makamit ang mithiing ito. Tutal naman, ang sambayanang Pilipino rin ang makikinabang kapag nalampasan natin ang problemang ito.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More