Una sa Balita

Magtatapon ng patay na baboy kakasuhan — DA

0 315

UMAPELA si Agriculture Secretary William Dar sa mga nag-aalaga ng baboy na dumulog sa mga municipal o city veterinarian sakaling magkasakit o mamatay ang kanilang mga alaga.

Nag-apela si Dar matapos maiulat ang mga insidente ng pagtapon ng patay na mga baboy sa Marikina River at sa iba pang mga ilog.

Ayon sa Department of Agriculture, ang mga municipal at city veterinarian ang makikipag-ugnayan sa DA-Bureau of Animal Industry para matukoy ang sanhi ng sakit o ang ikinamatay ng kanilang mga baboy.

Sabi ni Dar, napaka-iresponsable ng mga nagtatapon ng mga patay na baboy sa ilog dahil hindi lang sila lumalabag sa batas, nagiging sanhi pa sila ng pagkalat ng sakit.

Babala ni Dar, ang mga nagtatapon ng kanilang mga patay na baboy sa ilog ay maaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at pagmultahin ng P1,000 hanggang P5,000.

Sa ngayon, ilang bayan sa Rizal na ang tinamaan ng African Swine Fever at umabot na rin ito sa Guiguinto, Bulacan.

Sinisi ng DA ang ASF sa bansa sa pagpapakain ng mga tiratirang pagkain mula hotel at restaurant sa mga alagang baboy.

Mabilis makasalanta ng kabuhayan ang ASF. ‘Pag tinamaan ang isang baboy nito, tiyak na ang kamatayan dahil 100% ang mortality rate sa mga baboy na tinatamaan ng virus.

Sa Vietnam kung saan unang tumama ang ASF noong Pebrero lamang, 4.7 milyong baboy na ang kanilang pinatay at inilibing.

Sa China, Agosto 2018 pa nagka-ASF at 1.17 milyon pa lamang ang mga pinatay na baboy.

(Eileen Mencias/Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy