Una sa Balita

Magsisibuyas makikipagdayalogo kay Piñol

By
0 8

BONGABON, Nueva Ecija — Umaasa ang mga negosyante ng sibuyas sa Nueva Ecija na makakatulong sa kanilang kalagayan ang magiging pakikipag-usap sa kanila ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol bukas, araw ng Martes.

Masayang ibinalita sa Abante ni Engr. Israel C. Reguyal, chairman ng Local Onion Growers for National Economic Trade Cooperation (LOGNETC) ang nakatakdang pag-uusap makaraan na sila’y manawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa walang kontrol na pagpasok sa bansa ng mga imported na sibuyas.

Ayon kay Engr. Reguyal kanilang nakumpirma noong Nob. 17 mula sa tanggapan ni Bureau of Plant Industry-OIC Vivencio Mamaril na umabot sa 1,796 import permits ang naaprubahan.

Kaya’t sa 40,000 o 50,000 kilo kada permit kada container van ng imported na sibuyas ay babaha ng imported hanggang anihan sa Abril ng mga lokal na sibuyas.

Idinaing ni Reguyal na bumagsak ang presyo ng lokal na sibuyas sa P35-40 kada kilo, mula sa dating P70-80, na hindi pa mabili, dahil ang imported na sibuyas ay may hala­gang P28 lang kada kilo.