Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Magsilbing aral ang kaso ni Lolo Narding

0 249

Nag-viral sa social media mga Kabalitaktakan ang istorya ng 80-anyos na si Lolo Narding Flores na inaresto sa Asingan, Pangasinan dahil sa sinasabing pagnanakaw ng humigit-kumulang 10-kilong mangga.

Marami ang agarang nagpahayag ng awa at simpatya matapos makita ang mga litrato ni Lolo Narding sa soc-med habang nasa kustodiya ng Asingan PNP mga Kabalitaktakan.

Sa tindi ng galit ng mga nakakita sa sitwasyon ni Lolo Narding, bukod sa may-ari ng lupa na unang napa-ulat na nagsampa ng reklamo/kaso…

sinisi rin ng mga naki-simpatya sa 80-anyos na lolo ang mga umarestong pulis at maging ang korte na sinasabing nagpalabas ng “arrest warrant” mga Kabalitaktakan.

Giit ng mga netizen, dapat pinatawad na lang si Lolo Narding dahil una: siya naman ang nagtanim ng puno ng mangga base sa unang lumabas na ulat, pangalawa: humigit-kumulang 10-kilo lang naman ang “pinitas” na mangga at higit sa lahat matanda na ang “biktima”!

Sinakyan ultimo maging ng ilang mambabatas at kandidato ang kasong ito ni Lolo Narding mga Kabalitaktakan…lalu na nung hindi pa lumalabas ang iba pang anggulo ng istorya.

May mga nag-ngi-ngit-ngit pang kababayan natin ang nagkumpara sa kaso ni Lolo Narding sa ilang kilalang tao at pamilya…na nakalalaya pa rin sa kabila ng sinasabing malaking halagang kinulimbat ng mga ito.

Sa updated report mga Kabalitaktakan…nilinaw ng Philippine National Police o PNP na bagamat inaresto, hindi naman tuluyang ikinulong si Lolo Narding…

at sa halip, pinag-stay nila ito sa isang silid o custodial room sa himpilan ng Asingan, Pangasinan hangga’t di nakukumpleto ang pam-piyansa nito.

Bukod dyan, sinasabing mismong ang mga pulis-Asingan ang nag-ambag-ambag ng pera para sa anim na libong pisong piyansa ni Lolo Narding mga Kabalitaktakan.

Nakasaad din sa updated report na inamin mismo ni Lolo Narding na hindi siya ang nagtanim ng punong mangga at hindi lang niya minsan ginawa ang pamimitas ng bunga.

Sinasabi rin sa bagong ulat na tinangka ng “caretaker” ng lupang tinitirikan ng puno ng mangga na ayusin ang gusot mga Kabalitaktakan…

pero mismong si Lolo Narding at pamilya nito ang tumanggi…kasabay ng pasaring na ipakulong na lang siya kung yun ang gusto ng “caretaker”.

Sa madaling-salita mga Kabalitaktakan…hindi lamang si Lolo Narding ang “biktima” sa istoryang ito kundi maging ang “caretaker”, ang korte na nag-isyu ng “warrant of arrest” at ang mga pulis na umaresto.

Dapat magsilbing aral sa ating lahat ang kasong ito mga Kabalitaktakan upang hindi na maulit pang muli o hindi na ma-“Wow Mali”!

Paalala sa panig ng “Media”, responsibilidad natin na kunin at i-ulat ang mahahalagang detalye ng kaso o istorya…gayundin ang lahat ng panig para maging balanse.

Huwag basta na lang iwan nang hindi pa kumpleto ang lahat ng anggulo lalu na sa mga sensitibong kaso o istorya.

Panawagan naman sa netizen…na wag basta magre-react sa isang kaso o istorya nang hindi pa nakikita ang buong detalye at lalong wag iba-base ang inyong reaksyon sa “headline” lamang.

Dapat ding tiyakin mga Kabalitaktakan ang “kredibilidad” ng source ng pini-pick-up nyong istorya sa soc-med dahil hindi porke’t ma-impluwensya ay nangangahulugang “credible” na.

At dun naman sa mga mahilig mag-post sa social media…tiyaking tamang anggulo at kumpletong detalye ang ipo-post nyo para maiwasan ang kahalintulad na nangyari sa kaso ni Lolo Narding!

Hanggang dito na lang muna mga Kabalitaktakan. Staysafe at GOD Bless, yun oh🧔

Leave A Reply

Your email address will not be published.