Una sa Balita

Magseminaryo muna bago mag-PMA

0 370

Dahil sa paulit-ulit na iskandalo ng hazing na huma­hantong sa kamatayan na kinasasangkutan ng mga akademiya sa bansa, hindi kaya mas makakabuting ito ang unang iresolba upang matigil na ang ganitong sistema?

Kamakailan lamang ay mu­ling umalingawngaw ang balita hinggil sa pagkamatay ng isang kadete sa Philippine Military Academy (PMA) dahil sa sobrang kalupitang nagaganap sa mga akademiyang tulad nito. Hindi lang sa PMA dahil open secret din ang sobrang kalupitan sa Philippine National Police Academy (PNPA), Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) at ibang unibersidad na may militarisasyon na pinamamahalaan ng sundalo.

Parang kultura na sa mga akademiyang ito ang kalupitan at ordinaryo na lamang sa araw-araw ang suntok sa sikmura para hindi lumatay at mabibigat na parusa tulad ng tusok ulo sa lupa at iba pa dahil lamang sa kapirasong pagkakamali.

Bukod pa ‘yung malulupit na parusa depende sa bigat ng kasalanan ng isang kadete at hindi pumapayag ang mga senior officer na hindi parurusahan ang mga ito dahil ang katuwiran nila ay naranasan din nilang magulpi noong ordinaryong kadete pa lamang sila.

Hindi pa kasama ang hazing na obligadong pagdadaanan ng isang kadete sa loob mismo ng akademiya at hindi na kailangang ipaliwanag ko pa kung gaano kahirap ang dumaan sa hazing dahil may namamatay nga. Ngayon, kaya ko naisip talakayin ang problemang ito dahil sa paulit-ulit itong nangyayari pero paulit-ulit ding walang nakukuhang hustisya ang pamilya ng mga nasawi sa hazing partikular ‘yung mga nasawi sa akademiya.

Karaniwang ginagawa ng mga pamunuan ng academy ay may regular na press release na tila sila ang nasa ibabaw ng sitwasyon at may tukoy ng mga suspek hanggang sa unti-unti ay pagsawaan na ang balitang ito at tuluyan nang makalimutan.

Dahil mismong ang mga opisyal na nag-iimbestiga at nagsasabing mali ang hazing ay biktima rin ng hazing at nag-aasikaso pa lamang sila ng pepeles papasok ng academy ay alam nilang may hazing at handa na sila rito.

Ngayon magtataka ba kayo kung bakit brutal kung humawak ng suspek ang ating mga alagad ng batas, dahil ito rin kasi ang kanilang natutunan sa loob apat na taon nilang pananatili sa loob ng academy. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi sila mahinahopn kausap, palaging nakasigaw at palaging may banta o pananakot dahil ito ang pang-araw-araw na buhay sa loob ng academy.

Kabaliktaran naman ito sa mga Pari, dahil labis ang kanilang
pagkamahinahon, mapagkumbabang kausap at bukang bibig ang Diyos dahil nga sa ito naman ang pang-araw-araw nilang buhay sa loob ng seminaryo. Bakit kaya hindi natin isailalim sa seminaryo o sa mga Paring nagtuturo sa seminaryo ang ilang nais na magpulis o sundalo kahit ilang taon lang para balanse sila paglabas nila ng academy. Dapat itaas ang moral at spiritual na pag-uugali ng isang kadete bago ipasok sa academy lalo pa at wala ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) na inalis na sa high school.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy