Una sa Balita

Magsasaka, wagi sa Tawag ng Tanghalan!

0 140

Wagi ang magsasaka mula Negros Occidental na si Noven Belleza bilang ang kauna-unahang grand champion ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime matapos mangibabaw laban sa limang grand finalists sa ina­bangang huling tapatan ng kumpetisyon noong Sabado (Marso 11) sa Resorts World Manila.

“Hindi ako makapaniwala. Nabago po talaga ang buhay ko dahil sa ‘Tawag ng Tanghalan’. Thank you so much sa ‘Showtime family,’ pa­milya ko, kay Lord.

‘Di po ako makapaniwala na sa libu-libong nag-audition, ako po ang nanguna. Ang bait po talaga ng Diyos,” say ni Noven matapos ang kanyang pagkakapanalo.

Inawit niya ang May Bukas Pa sa unang round ng finals upang makapasok sa final 3.

Pinabilib at pinatayo naman niya ang audience sa second round matapos ang performance niya ng medley ng Air Supply songs na The One That You Love, Now and Forever, at Without You na nakatanggap ng standing ovation sa lahat ng hurado.

Ang 22-anyos na Bukid Boy Wonder ng Negros Occidental ang nakakuha ng pinakamataas na average score na 99.96% mula sa pinagsamang hurado scores at madlang people votes, at tinalo ang final 3 contenders na sina Sam Mangubat (49.09%) at Froilan Canlas (45.78%).

Wagi si Noven ng P2 milyon, house and lot mula sa Camella, recording contract sa Star Music, musical instruments package mula sa JB Music, negosyo package, at family vacation package.

Tinutukan ng sambayanan ang pagtatapos ng higit sa isang taong paghahanap sa Tawag ng Tanghalan champion. Pinag-usapan din ang pagkakapanalo ni Noven at ang paglalaban-laban ng anim na grand finalists online kaya naman nanguna sa listahan ng trending topics sa Twitter worldwide ang hashtag na #TnTAngHulingTapatan.

Matapos magwagi ni Noven, mga bata naman ang magpapakitang gilas at magbabahagi ng kanilang galing sa pagkanta sa pagsisimula ng Tawag ng Tanghalan Kids ngayong Lunes (Marso 13).

Para sa karagdagang impormasyon, i-follow ang ‘Tawag ng Tanghalan’ sa Facebook (facebook.com/TawagNgTanghalan), Twitter (@TNTABSCBN), at Instagram (@TawagNgTanghalan). Maging updated din sa good vibes na dala ng ‘It’s Showtime’. I-follow lamang ang programa sa Facebook at Twitter (@ItsShowtimena).

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy