Una sa Balita

Magsampa ng ‘Action to Implement’

By
0 910

Dear Atty. Claire,

Ako po ay may dating ka-live-in partner at nagkaroon po kami ng isang anak. Nagpasya kaming huwag munang magsama dahil sa bata pa po kami at walang trabaho.

Habang lumalaki ang aking anak ay nasa pangangalaga siya ng magulang ng dating GF ko dahil wala pa akong pangsuporta bilang isang tricyle driver. Nagpasya po ako na magpatuloy ng ­aking pag-aaral hanggang ako po ay nakatapos ng kolehiyo; at nagkaroon ng magandang trabaho bilang isang OFW.

Nakapagbibigay na po ako ng suporta sa bata. Nagkaroon na rin ang dati kong GF ng bagong kinakasama sa buhay; at ibinigay sa amin ang pangangalaga ang aking anak.

Naiwan ang bata sa ­aking mga magulang habang nasa abroad ako. Kami na po ang nagpatuloy sa pagsustento sa bata. Ngunit binawi ulit ang bata sa akin at sila na raw ang magpapalaki sa bata.

Patuloy pa rin akong nagpapadala ng perang panggastos sa pag-aaral ng bata sa private school ngunit nalaman po namin na ang anak ko ay pinag-aral pala sa isang public school samantalang patuloy ang paghingi ng pera sa amin ng kanyang ina.

Nagalit ako sa panloloko nila kaya itinigil ko po pansamantala ang pagbibigay ng pera.

Muling ibinalik sa amin ang bata at tinanggap uli namin ang bata at sinuportahan siya. Nang ako po ay nagkaroon ng sariling pamilya ay muli pong binawi ang bata sa amin.

Pinahinto sa pag-aaral ang anak ko ng sarili niyang ina nang walang dahilan. Hindi ako nagkulang sa pagsuporta sa aking anak at nang ako po ay naka-vacation leave last year ay nakatanggap ako ng letter mula sa aming barangay na may reklamo buhat sa ina ng bata dahil hindi daw ako nagbibigay ng suporta sa bata.

Sa ngayon nakaka-receive sila ng mga text at tawag na ipapatay ako ng dati ko kinakasama. Attorney ano po bang hakbang ang puwede kong gawin? God bless you all.

James

***

Dear James,

Malungkot ako sa nangyayari sa buhay mo ngunit magpasalamat ka pa rin dahil naipapakita mo sa anak mo ang pagmamahal mo sa kanya… at iyon ang mahalaga. Sa kuwento mo ay nakikita ko kung paano pabayaan ng kanyang ina ang anak ninyo. Ang dapat na iniisip ng isang ina ay ang kapakanan ng kanyang anak at hindi ang pansariling kagustuhan.

Nabanggit mo na mayroon na kayong kasunduan na ibibigay sa iyo ang custody ng bata at ang kasunduan na nagawa dahil sa isang reklamo at ito ay naganap sa barangay.

Ang kasunduan sa barangay ay maituturing natin na may bisa na katulad ng isang desisyon ng korte.

Maaari kang magsampa ng isang ‘Action to Implement’ upang maipatupad ang mga nakasaad sa inyong kasunduan.

Sa loob ng anim na buwan mula nang hindi tuparin ang kasunduan ay maaari pa ang barangay ang magpatupad ng kasunduan at kung lumagpas na ang 6 na buwan ay maaari nang magsampa ng isang action sa korte upang ang huli na ang magpatupad nito. Mas mainam na kumausap ng isang abogado na siyang gagawa ng pleading na isasampa sa korte.

Kapag malaki ang inyong ebidensiya sa pagpapabaya ng iyong asawa sa inyong anak ay maaari mo rin siyang sampahan ng kasong Violation of Anti-Child Abuse Act (RA 7610).

Nasabi mong hindi siya pinag-aral nang walang dahilan ng kanyang ina… ito ay isang pruweba na wala siyang pagmamalasakit sa mga basic need ng inyong anak.

Kung mapapatunayan mo rin ang pagbabanta nila sa iyong buhay ay maaari ka nang magpunta sa himpilan ng pulisya upang magpa-blotter. Maaari mo rin silang sampahan ng kasong grave threats.

Sana ay nakatulong ako sa iyo.

Ang iyong lingkod,

Atty. Claire