Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mags pamporma lang!

0 282

Mas malaki, mas me dating.

Ito ang paniwala ng mga nagpapalit ng mags sa kanilang mga sasakyan nang mas malaki kumpara sa mga stock na nakakabit sa mga ito.

Dito sa Pilipinas kasi, ang mga entry level o mid-variant na mga sasakyan ay hindi pa upgraded ang mga gulong, katunayan ang mga nasa kategorya ng unang binanggit ko ay ordinaryong steel rim na tinakpan ng plastic na hub cap lamang.

Kaya nga hindi naman panghanapbuhay (taxi, UV express o TNVS) kadalasang pinapalitan ang mga ito ng de-klaseng mags na mas malaki ang size kumpara sa mga dating nakakabit, katuwiran ng karamihan, magpapalit din lang naman eh di lakihan na para maporma.

Well, tama naman ang katuwirang yan dahil kung sa tingin lang naman ibabatay, aba’y talagang napakatikas ng mga oto na nakamags na malaki.

Ordinaryo na lamang na ang mga SUV na nakastock size na 16 o 17 inches ay palitan ng 20 inches kaya talagang napakatikas ng tayo.

Ganoon din sa mga sedan at hatchback, ang mga de-katorse o kinse ay pinapalitan ng hanggang disisiyete o minsan ay disiotso pa at para kumasya ay ang pinakamanipis na available na goma ang ipapares.

Kadalasan, para din makabawas sa budget na ilalaan ay awtomatikong iti-trade in ang mga nakakabit na mags at gulong.

Ayos lahat ng transaksiyon, tumikas ang porma, gumanda ang tayo at sa kapirasong road test ay masasabing mas gumanda ang grip at kapit ng goma.

Pero ang malaking pagkakaiba ng ride ay mararamdaman ng may-ari ng oto kapag pauwi na siya, kung kelan nabayaran na niya ang mags at mga bagong goma at naitrade-in na rin ang dating nakakabit na maginhawa sa pakiramdam kapag tumatakbo.

Hindi maitatanggi ng kahit na sinong nagpakabit ng mags na ordinaryo lamang ang mga suspension system na tumatagtag ang kanilang sasakyan, naging masakit sa bewang at sa kaunting alon-alon lamang ng kalye ay tumatalbog at kumakalog kalog na ang oto.

Kaya nariyan ang pagsisisi, na sana ay nagamit sa iba ang pera ginastos kagaya ng pagpapalit ng upholstery kung amoy tuta na at kupas na ang panloob, o kaya naman ay pampakondisyon kung nakakaramdam ng mahinang hatak o hindi masyadong makapit na preno.

Sa personal na karanasan, hindi naman masama mag-upgrade ng mags pero huwag masyadong lalakihan.

Ang de-kinse na stock ay puwedeng palitan ng hanggang disisiyete at tantiyahin ng maayos ang ikakabit na goma pero iwasang ang pinakamanipis ang ipares.

Kung sasayad ang medyo makapal na goma sa de-disisiyete na mags, gawin itong disisais para hindi maagrabyado sa kapal.

Tandaan, mas manipis na goma sa mas malaking mags, mas matagtag.

Aanhin mo ang porma kung dahil sa tagtag ay lagi kang inaaway ng dyowa o asawa sa tuwing sakay sila.

Ayos ba?

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.