Una sa Balita

Magpapirma ng contract to sell

0 776

Dear Atty. Claire, Isa po akong OFW at kasala­kuyang nagtatrabaho dito sa Saudi Arabia. Ako po ay lumaki sa pangangalaga ng lola ko simula pagkabata (7 yrs. old) hanggang sa nagkaroon ako ng sariling pamilya.

Ang titulo ng lupa ng lola ko ay hiniram at isinangla sa bangko ng kamag-anak namin upang makapag-loan at gamitin sa negosyo. Sa kasamaang-palad ay hindi naging maayos ang negosyo at bumagsak ito hanggang sa hindi na nila nagawang bayaran ang pagkakasangla ng titulo ng lupa at lumaki ng lumaki ang interest. May dalawang anak ang lola ko at sila na ang tumubos ng pagkakasangla ng lupa sa bangko.

Sa madaling salita lumalabas na ang dalawang magkapatid na ang nagmamay-ari ng lupang tinubos nila sa bangko at nailipat na sa pangalan nila ang titulo.

Ako po ay nakiusap sa magkapatid na kung puwede ay mabigyan nila ako ng kahit maliit na lote na puwede kong pagtayuan ng maliit na bahay at babayaran ko naman ‘yun. Pumayag naman po sila at nagkasundo ng doon ako magpatayo ng bahay sa pagitan ng lupa nila na may sukat na 81 sqm. (9m x 9m) bale tig 9m x 4.5m po .

Ang tanong ko po kung sakaling mabayaran ko ang lupa na kinatitirikan ng bahay ko, puwede po bang DEED OF SALE ang ipagawa ko? Sabi po ng asawa ng isa sa magkapatid ay DEED OF RIGHTS lang daw ang ipapagawa sa akin. Tama po ba ‘yun?

Umaasa po ako na sana ay mapayuhan ninyo ako kung anong dokumento ang nararapat para sa lupang kinatatayuan ng bahay ko.

Best regards,
Vic

Vic,
Nais kong ipayo na bago mo makumpleto ang pagbabayad ng sinasabi mong parte ng lupa ay mapapirma mo ang nagbebenta ng isang Contract to Sell upang may pinanghahawakan kang katibayan na ikaw ay nagbabayad para sa parte ng lupa na may sukat na 81 sq.m. 

Dapat na isang Deed of Sale ang gawin ninyo kapag nabayaran mo na nang buo ito  dahil iyan naman ang inyong kasunduan—kukuha ka ng parte ng lupa at babayaran mo. Iyan ang isang malinaw na bentahan ng lupa dahil may konsiderasyon o bayad  kang ibibigay sa may-ari ng lupa.

Hindi dapat rights (to use) lamang ang ibebenta sa iyo dahil ang lupa mismo ang iyong binibili. Kung rights lamang ang magiging subject ng bentahan ninyo ay hindi mo mapapatunayan sa mga susunod na panahon na ang lupa ang binili mo. Kaya mag-ingat sa dokumentong pipirmahan.

Dapat ngayon pa lamang na nagbabayad ka ay may kasulatan na kayong napirmahan na patunay ang napagkasunduang bentahan, tulad ng Contract to Sell at mga patunay ng mga natatanggap na bayad mula sa iyo.

***

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy