Una sa Balita

Magpakabayani

0 392

Hindi ko akalaing mara­ming kahulugan ang salitang ‘bayani’ nang buklatin ko ang lubos na maaasahang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban. Akala ko, ang kahulugan lang ay isang indibidwal na nag-alay ng buhay para sa kapakanan ng bayan.

Tapos kikilalanin ang lubhang pamilyar na buhay ng bayani. Ipapasaulo sa mag-aaral ang talambuhay, ang mga nagawa, ang mga pagbabagong sinimulan. Magiging paksa ng quiz bee.

Tapos na. Bayani na. Nakadikit na sa dingding ng paaralan ang mga iginuhit na larawan, at iyong iba, nasa pe­rang papel. May rebulto sa plasa. Sila ang mga bayani, ang mga nagpakabayani. Hindi pala ganito kasimple.

Sa diksyunaryo ni Pa­nganiban, ang ‘bayani’ ay ang mga sumusunod: bida, pangunang tauhan, baganihan, banuar sa Iluko, katulong, kausong, karamay, kasaknong. Kaya bukod sa mga kinikilala nating bayani o heroes sa Ingles, ang maging bida, pangunang tauhan, baganihan, banu­ar sa Iluko, katulong, kausong, karamay, kasaknong ay bayani na rin.

Mula dito kaya may salita tayong ‘bayanihan’ o tulungan nang walang hinihintay na kapalit lalo kung sa mabuting layunin ang gawaing ito.

Popular na larawan ng bayanihan ang sama-samang pagbubuhat—pag-usong-usong sa Katimugang Luzon—ng bahay kubo para maili­pat ng lugar. Wala, hanggang larawan o pinta na lamang ang hitsura ng bayanihang ito.

Bagama’t naniniwala akong marami pang porma at uri ng pagbabayanihan, ang tumatak sa isip ko ay ang bahay kubong binubuhat. Samantala, mula rin sa salitang bayani ang ‘namayani’ o nagtagumpay o triumphant sa Ingles. Ang namamayani lamang ay mabuting mithiin. Walang namamayaning masamang gawain.
Siyempre, hindi ko na kailangang palawakin pa kung bakit ‘magpa­kabayani’ ang pamagat ng espasyo kong ito nga­yon. Bukas, Lunes, Agosto 26, ang National Heroes’ Day. O, para sa akin, isang araw ng pagkilala at pagdakila sa mga bayaning walang bantayog, walang larawan, wala sa mga aklat at hindi ginagawang paksa ng essay writing contest.

Related Posts

Mas marami ang mga bayaning ito. Kaya marapat lang na kilalanin sila, o alalahanin man lang, sa loob ng isang araw. Kaso nga, mas nagiging kapana-panabik ang National Heroes’ Day dahil walang pasok, long weekend.

Pagkakataong magliwaliw nang matagal-tagal. Makapagpahinga kung talagang hindi kaya ng pera, ang magbakasyon sa malalayong lugar.

Sa lahat ng ito, sana man lang ay maalala ang mga nagpakabayani noon upang maisaayos at mapabuti, at maging ligtas ang bansa natin. Isang araw man lang sa isang taon, isipin natin ang mga walang pangalang hindi inisip ang kanilang mga sarili makapaglingkod lang, madalas ay kapalit ang kanilang buhay, para sa bayan.

Nakalulungkot lang isipin, na sa panahon ngayon, higit pang pinagtutuunan ng pansin ang mga kontrobersiya sa showbiz at politika. Na minsan nga, mahirap nang malaman kung alin pa ba ang showbiz o alin pa ang politika sa mga kaguluhang nagaganap dahil naghalo-halo na ang mga kasangkot.

Sa puntong ito, gusto kong balikan ang pagpapakahulugan ng salitang bayani ni Panganiban: katulong, kausong, karamay. Simplehan lang natin.

Magpakabayani tayo sa pamamagitan ng pagtulong at pagdamay sa ating kapwa. Iyon lang. Ganoon lang. Palagay ko, sapat na.

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa aking Facebook account: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy