Una sa Balita

Magnanakaw ng motorsiklo bumulagta sa highway

By
0 120

NAPATAY ang isa sa tatlong hindi pa nakikilalang mga la­laki na umano’y mga motornapper makaraang makaengkwentro ng mga pulis sa Maharlika Highway, Brgy. Tagbakin, Atimonan, Quezon kamakalawa nang gabi.

Batay sa report ng mga Quezon police provincial office, nasabat ng mga tauhan ng Atimonan police ang mga tumatakas na suspek matapos mang-agaw ng motorsiklo sa katabing bayan ng Plaridel.

Dakong alas-9:15 nang gabi nang agawin ng mga suspek ang isang itim na motorsiklo mula sa mga biktimang sina Davidson Beyer at Reymond Alleg, sa Brgy. Concepcion.

Tumakas ang mga suspek patungo sa bayan ng Atimonan subalit naharang sa checkpoint na ikinasa ng mga pulis matapos magpalabas ng alarma hinggil sa nangyaring pagnanakaw.

Subalit sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga suspek sa mga pulis na ikinamatay ng isa sa mga ito.

Nakatakas naman ang dalawa na iniwan ang ninakaw na motorsiklo at tumakbo sa magkahiwalay na direksyon.

Narekober sa nasawing susspek ang dalawang kalibre .45 baril. (Ronilo Dagos)