Una sa Balita

Magna Carta para sa day care workers

By
0 46

Napaka-importante ng papel na ginagampanan ng ating mga day care worker.

Sa yugto na hinuhubog pa lang ang panga­ngatawan at isipan ng mga bata na edad tatlo hanggang lima, ang mga day care worker ang nag-aalaga, nagtuturo, at nakikipaglaro sa kanila habang abala sa paghaha­napbuhay ang kanilang mga tatay at nanay na parehong kumakayod.

Bukod sa pag-aalaga at pagbibigay ng panlipunang proteksiyon, ipinagkakatiwala rin natin sa mga day care worker ang pag-abot ng mga bata sa kanilang pangarap.

Sa kabila ng mabigat na tungkulin na ginagampanan nila, ano naman ang nakukuhang sukli ng ating mga day care worker?

Sa kasalukuyan, walang natatanggap na suweldo at benepisyo ang mga day care worker. Wala rin silang health insurance at pensiyon. Binibigyan lang sila ng allowance ng lokal na pamahalaan na nakasasakop sa kanila.

May iba sa kanila na nakatatanggap ng P2,000 sa isang buwan. ‘Yung iba naman ay P1,500 lang tulad ng isang day care worker sa Cebu na tumitingin sa 80 bata araw-araw. At mayroon din na ilang kilong bigas at ilang pirasong de-lata lang ang nakukuha. Mayroon din na wala talaga.

Sa totoo lang, mala­king parte ang mga day care worker sa nation-building. Isa sila sa mga unang indibidwal na nakakasama ng mga bata sa pagbuo ng pag-asa subalit sila pala mismo ay napagkakaitan ng pag-asa.

Ito ang nagtulak sa atin para likhain at isulong sa Kamara ang panukalang “Magna Carta of Day Care Workers” o House Bill 6550 na pumasa na kamakailan sa third and final reading. “Yes” ang naging boto rito ng mahigit 200 kapwa natin congressman.

Sa ilalim ng ating panukala, magkakaroon ng plantilla positions na Day Care Worker I (Sa­lary Grade 6, PhP14,340 per month) at Day Care Worker II (Salary Grade 8, PhP16,282 per month). Ibig sabihin, magkakaroon na sila ng job security dahil permanente ang kanilang posisyon sa gobyerno.

Hindi na sila kakaba-kaba sa kung maitataguyod ba nila ang kanilang pamilya. ‘Di ba’t kung panatag ang ating isip sa pamilya, mas nagiging mahusay tayo sa ating trabaho? Kung napasasaya natin ang ating sariling anak, mapasasaya rin natin ang ibang bata.

Maliban sa buwanang suweldo, overtime pay, bonus, leave, at allowance, magkakaroon din ang mga day care worker ng kasiguruhan sa GSIS, Pag-IBIG, at PhilHealth. Kapag nagkasakit sila, may pampadoktor na sila at kapag nagretiro, may pensiyon silang matatanggap buwan-buwan.

Sapat na pagkilala sa ating mga bayaning day care worker.