Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Magkasintahan sa life insurance puwede bang alisin na beneficiary?

0 17

Dear Atty. Loon,

Nahuli ko pong may kinakasamang ibang lalaki ang aking girlfriend na si Babe.

Hindi ko po matanggap ang sakit na ipinaranas sa akin ng babaeng inakala kong magmamahal sa akin hanggang kamatayan.

Nais ko pong iparamdam kay Babe ang galit ko, pwede ko po ba siya tangalin bilang beneficiary sa aking life insurance? – Ryan

Dear Ryan,

Hindi man kita matutulungan sa iyong love life, nandito ako upang alalayan ka sa mga katanungan mo sa insurance.

Sa Life Insurance, ang benepisyo nito ay mapupunta sa beneficiary na itinalaga ng may-ari ng policy. Ang pagtalaga sa isang beneficiary ay nahuhulog sa dalawang kategorya – revocable at irrevocable.

Kung revocable ang pagtalaga sa beneficiary, maaring baguhin ng policy owner ang pagkakatalaga nito kahit kailan o para sa kahit anong rason sa loob ng termino ng life insurance, kahit pa man ito ay walang pahintulot ng beneficiary.

Sa pagtanggal o pagbago ng naitalaga na beneficiary, kailangan lamang sabihan ng policy owner ang insurance company tungkol sa pagbabago na nais niyang gawin at sundin ang patakaran ng insurer ukol dito.

Kung sakali naman na irrevocable ang pagtalaga sa beneificiary, hindi maaring baguhin ng policy owner ang irrevocable beneficiary nang walang consent o pag-sangayon ng nasabing beneficiary dahil siya ay mayroon na ring karapatan sa benepisyo ng life insurance.

Ito ay dahil na rin sa Section 11 ng ating Insurance Code na nagsasabing may karapatan ang insured na baguhin ang kaniyang beneficiary, maliban na lang kung tinalikuran (waiver) ng policy owner ang karapatang ito.

Dapat ding tandaan na ayon din sa Section 11, sa oras na pagkamatay ng insured, ang mga naitalaga na revocable beneficiary ay awtomatikong maitatalaga bilang irrevocable beneficiary.

Sa iyong sitwasyon, marapat na alamin mo ang pagkatalaga mo kay Babe bilang iyong beneficiary. Kung siya ay isang revocable beneficiary, maari mo siyang baguhin o tanggaling bilang iyong beneficiary.

Kung si Babe naman ay isang irrevocable beneficiary, hindi mo siya maaring tanggalin bilang isang beneficiary nang wala ang pag-sangayon niya.

​​Si Atty. Martin Loon ay ang President & CEO ng Cocolife, ang pinakamalaking Filipino Life Insurance Company sa Pilipinas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.