Una sa Balita

Magkasabwat nahuli sa donasyon raket sa Marawi

By
0 1

Magsilbing babala sana ito sa publiko upang hindi mabiktima ng mga nagpapanggap na humihingi ng donasyon para sa Marawi City.

Naaresto kahapon sa Makati City ang mga suspek na sina Ricardo Simbulan, 63, at Mitus Sampaya, 39, kapwa nakatira sa 185 Kampupot St., Brgy. Pembo, ng nasabing lungsod matapos magpanggap na mga empleyado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at nanghihingi ng donasyon para sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Sa ulat ni Sr. Supt. Jerry Umayao, hepe ng Makati City Police, alas-dos ng hapon nang mahuli ang dalawa sa entrapment operation ng mga pulis sa Palawan Pawnshop branch sa J.P. Rizal Extension, Brgy. Comembo.

Binitag ang mga suspek dahil nakatanggap ng reklamo ang opisina ni DILG officer-in-charge, Undersecretary Catalino Cuy na ginagamit ang kanyang tanggapan at nanghihingi sina Simbulan at Sampaya ng perang donasyon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na gagamitin diumano sa Marawi City Rehabilitation Program.

Ikinasa ng mga pulis ang entrapment operation at nagpanggap na mag­huhulog sila ng P25,000 sa nasabing pawnshop hanggang sa kumagat naman ang mga suspek kaya naaresto sila sa ­aktong kinukuha sa teller ang pera.

Agad na dinala sa Makati Police Station ang mga suspek na kakasuhan ng extortion at swindling.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga ­suspek sa kanilang ­ginawang panloloko. ­