Una sa Balita

Magkapatid na preso tinodas habang papunta sa korte

0 293

PATAY ang magkapatid na preso habang sugatan naman ang kasama nilang jail guard matapos na pagbabarilin ang kanilang sasakyan ng hindi pa kilalang mga salarin habang patungo sa korte ang mga ito kamakalawa sa bayan ng Carmen, Bohol.

Kinilala ang nasawing mga preso na sina Ricky at Romeo Digal, parehong nasa hustong gulang at kapwa may kasong may kinalaman sa iligal na droga, habang sugatan naman ang jail guard na si Jorge Lungay.

Naganap ang insidente mag-aalas-otso nang umaga sa harapan ng Carmen Regional Trial Court na matatagpuan sa Brgy. Poblacion Sur ng nasabing bayan.

Nabatid na pababa na ng sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology ang magkapatid na preso upang dumalo sa pagdinig ng kanilang kaso.

Bigla umanong sumulpot ang isang puting van at lumabas ang isang lalaking nakasuot ng bonnet na armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril at pinagbabaril ang dalawang preso at natamaan din si Lungay, bago mabilis na tumakas ang mga suspek.

Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang magkapatid na preso subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng sumuring doktor.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo ng pagpatay. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy