Una sa Balita

Magkakapamilya nilamon ng apoy

By
0 382

NALITSON nang buhay ang siyam na katao kabilang ang isang batang babae na pawang magpapamilya matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay na may dalawang palapag sa Barangay 185, Maricaban, Pasay City kahapon nang madaling-araw.

Dahil sa pagkakasunog, halos hindi na makilala ang mga biktima na pamilya Wablas na sina Julie, 46; Rhea, 40;
Julius, 39; Nichole 9; Jurick Andrea, 3 at gayundin ang pamilya Calma na sina Michael, 44; Mark Joseph, 23; John Clark, 17 at Andrew James, 11-anyos pawang naninirahan sa No. 336 Almazor St., Barangay 185 ng nasabing lungsod.

Nakaligtas naman ang ina ng tahanan ng pamil­ya Calma na si Jasmine, nasa hustong gulang matapos itong tumalon sa bintana.

Batay sa report ni Supt. John Pinagod Jr., Pa­say City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-dos nang madaling-araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng dalawang pamilya sa No. 336 Almazor St. ng nasabing lungsod.

Base sa kuwento ni Jasmine, nagising siya dahil sa amoy ng usok, na inakala nito na may nagsisiga lamang sa labas ngunit nang kanyang tingnan sa i­baba ng kanilang bahay, napansin niyang malakas na ang apoy at usok mula sa nakasaksak na computer.

Sinabi pa ni Jasmine, kaagad niyang ginising ang mister na si Michael na makakaligtas pa sana, ngunit binalikan nito ang kanilang mga anak, kung kaya’t na-trap din ang mga ito at hindi rin nakalabas ng bahay ang pamilya Wablas.
Aniya, narinig niyang sumisigaw ang kanyang mister na si Michael, ngunit huli na ang lahat at hindi ito nakalabas dahil sa malaki na ang apoy.

Dahil sa makipot ang daan, nahirapan ang mga trak ng bumbero na makapasok sa lugar.

Mabilis na kumalat ang apoy kung kaya’t hindi na nagawang maisalba ang mga biktima.

Nang maapula ang apoy ay dito na nga natagpuan ang kanilang mga sunog na bangkay.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga arson investigator, tatlong sunog na bangkay ang natapuan sa banyo dalawa sa 2nd floor, isa sa kusina, isa sa kuwarto at dalawa sa ibaba palabas ng bahay.

Nabatid na ang pamilya Calma at pamilya Wablas na pawang magkakamag-anak ang nakatira sa nabanggit na bahay na may dalawang palapag.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog at dakong alas-3:14 nang madaling-araw nang ideklarang fire out.

Wala namang tigil ang pag-iyak ni Jasmine, dahil mag-isa na siya at nawala ang lahat ng kanyang pamilya.

Umaapila naman ito ng tulong na mabigyan ng maayos na burol at libing ang kanyang pamil­yang nasawi.

Inaalam na rin nila kung ang pinagmulan ba ng apoy ay mula sa naiwanang nakasaksak na compu­ter at nasa P50,000 ang napinsalang mga ari-arian sa naganap na sunog.

Samantala nangako ng tulong si Pasay City Ma­yor Antonino ‘Tony’ Calixto sa pamilya ng mga biktima.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy