Una sa Balita

Magkakaalaman na!

0 292

Sa hinaba-haba ng kampanya, sa botohan din ang tuloy ika nga. At ngayong araw, magiging patas na naman ang mga mayayaman at mahihirap, pangit at maganda, maputi o neg­ro—sa pamamagitan ng tig-isang boto.

Bago pumunta sa presinto para bumoto, mas mabuting ihanda ang listahan ng mga kandidatong iboboto para hindi ka na mangamote sa pagpili. Baka kapag hindi mo na malaman kung sino ang pipiliin mo, ang mangyari eh bumalik ka sa panahon ng nag-aaral ka pa at mangongopya na lang sa katabi. Bawal po iyon.

Ngayong midterm elections, wala tayong ibobotong presidente at bise presidente. Pero itinuturing na pang-grado o referendum sa unang tatlong taon ng administrasyon ang eleksyon na ito. Ibig sabihin, kapag wala o kokonti lang ang kaalyado ng administras­yon ang nanalo [lalo na ang mga senatorial candidate], iisipin at pagpi­piyestahan ng oposisyon na ayaw ng mga tao sa gobyerno.

Pero kapag nanalo naman ang marami sa mga kaalyado ng administrasyon, siyempre ang nasa poder naman ang magyayabang na gustong-gusto ng mga tao ang kasalukuyang lider. Puwede ring isipin na maaaring naipasa ang kasikatan ng pangulo sa mga taong kaniyang inindorso.

Sa mahigit 60 kandidatong senador, tandaan na 12 pangalan lang ang inyong pipiliin. Pipili rin ang mga botante ng iboboto bilang party-list, na tila na-hijack na ng mga politiko dahil sa dami nila ngayon na mga nominee. Hirit ng ating kurimaw na atat nang bumoto, dapat daw sigurong repasuhin ang batas na lumikha sa party-list system dahil tila nawala na raw ang layunin nito na mabigyan ng boses ang mga ‘marginalized’ sector.

Ang nangyayari ngayon, kung hindi negosyante o talunan sa eleksyon sa lugar nila, aba’y mga anak o asawa ng politiko, o kaya naman ay politikong natapos na ang term sa dating posisyon na hawak niya ang nagiging ‘nominee’ o mauupong kongresista kapag nanalo ang kaniyang party-list group.

Kailangan ding bumoto ng gobernador, bise gobernador, mayor, vice mayor at mga konsehal. Tandaan, dapat itiman ang bilog sa tapat ng pangalan ng ibobotong kandidato. Dapat kahit 25 percent ng bilog ang maitiman para basahin ng vote-counting machine. 

Isa pang mahalagang tandaan, kapag kulang o hindi mo nakumpleto ang boto mo [kunwari eh 10 lang at hindi 12 ang napili mong iboto] babasahin pa rin iyon ng makina o VCM. Pero kapag sumobra ka o hi­git sa 12 ang ibinoto mong senador, patay kang bata ka. Sayang ang boto mo. Huwag din magsusulat ng kung ano-ano sa balota at baka hindi rin iyon basahin ng VCM.

Huwag ding kalimutan na magdala ng ID pagpunta sa voting precinct na bukas na simula 6 nang umaga at magsasara ng 6 nang gabi. Bawal ang mag-selfie sa loob ng botohan, at bawal kunan ng larawan o i-video ang balota.

Kapag ipinasok na ang balota mo sa VCM o makina para bilangin, may ilalabas na resibo sa makina kung saan makikita mo kung tama ang mga pangalan na ibinoto mo. Kung tama, ilalagay naman ang resi­bo sa receipt ballot. At siyempre, lalagyan ka ng pampadumi ng kuko na kung tawagin eh inde­lible ink.

Ngunit bago siyempre ang lahat-lahat, aba’y pag-aralan munang mabuti kung sino ang iyong iboboto. Tandaan na anim na taon na mauupo ang iboboto mong senador at tig-tatlong taon naman ang mga ihahalal na party-list, kongresista at iba pang lokal na kandidato. Kaya kapag nagkamali ka ng pili sa kandidatong senador na kung hindi korap eh ungas at tamad, aba’y maraming taon ang masasayang kung matinong kandidato sana ang pinili mo.

Dahil Mother’s Day isang araw bago ang eleksyon, puwedeng gamitin mong gabay sa pagpili ng iboboto mong mga kandidato eh kung sino sa kanila ang sa tingin mo ay makatutulong at may malasakit sa mga nanay. Puwede rin naman na dahil may kasabihan na “mother knows best,” puwede mo rin siyang hingan ng payo kung sino ang mga dapat mong iboto. 

Tandaan, huwag magpadala sa mga survey at ads, sa halip, suriin ang background at pagkatao ng nais mong iboto.  La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy