Una sa Balita

Magkaibigan niratrat sa kotse, kritikal

By
0 2,226

Nasa kritikal na kondisyon ang dalawang magkaibigan matapos na walang habas na pagbabarilin sa loob ng kanilang sinasakyang kotse ng nag-iisang gunman habang hinihintay ang iba pa nilang mga kaibigan sa Lungsod ng Caloocan kahapon nang madaling-araw.

Sa ulat nina PO1 Mark Julius Pajaron at PO1 Ariel Dela Cruz ng Caloocan City Police -Homicide Unit, alas-3:50 nang madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Republika St., at Reparo St., Brgy. 148, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong nasa loob ng kotseng Hyundai Accent na nakaparada sa nasabing kanto ang magkaibi­gang sina Jerome Pascual, 46-anyos ng Gen. Concepcion, Brgy. 135 ng parehong lugar at James Marvin Tongco, 24-anyos ng MacArthur Highway, Malinta, Valenzuela at naghihintay sa iba pa nilang mga kaibigan.

Dito na dumating ang nag-iisang gunman at walang habas silang pinaulanan ng baril. Tinamaan sa kanyang leeg si Pascual na noon ay nakaupo sa driver’s seat habang nasapul si Tongco na katabi ni Pascual.

Nagpapagaling sa Manila Central University (MCU) Hospital ang dala­wa.