Una sa Balita

Maging mautak sa ulutan

By
0 1,220

MARAMING kaganapan ang makikita sa loob ng sabungan, may mga lugar na pinupuntahan ng mga mananabong, halimbawa kapag magta-trabisya ay diretso na sa loob para makapanood ng laban at makapusta.

Kung maglalaban naman ay sa ulutan muna pupunta para i-match ang dala mong manok na panlaban.

Sabi ng mga beterano, malaki ang tsansang manalo ng manok kung matiyaga at magiging mautak sa ulutan.

Minsan may taga-ulot ng manok na mainipin at napipikon sa kantiyaw kaya kahit malaki ang kalaban ay ibabangga niya ang kanyang manok.

Sa ulutan marami kang makikitang karakter ng tao, nandyan yung nagtatanga-tangahan para labanan ang kanyang manok, may mga bolero para mapa-oo ang may-ari ng inuulutan at magugulang, ayaw lumaban nang balikatan. Ang gusto ay nakalalamang sa laban.

Mayroon din na mga taga sulsol sa ulutan ito ang mga malalakas kumantyaw.

Ayon kay Antonio Cacam, kristo at dating naging assistant kasador sa sabungan sa Makati, kailangan mahaba ang pasensya mo sa ulutan upang hindi mapahamak ang manok at ang bulsa.

“Dapat maging mautak sa ulutan, ‘pag walang ka-match eh di iuwi ang manok at bumalik sa ibang araw,” saad ni Cacam na napag-aral ang mga anak dahil sa pagki-kristo. “Masarap umuwi na dala ang manok kesa umuwi ka ng luhaan dahil inilaban mo ang alaga mo sa malaking kalaban.”