Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Maging mapili sa Energy secretary

0 109

Unti-unti na ngang nabubuo ni president-elect Bongbong Marcos Jr., ang kanyang gabinete.

Halos linggo-linggo ay may inilalabas na pangalan ang susunod na Pangulo at ang kanyang kampo ng mga tumango nang makakatulong sa gabinete.

Importante naman talagang mapa-oo muna ang isang pinupuntirya bago ideklara para mas maganda ang latag. Kumbaga ay gusto nito ang trabaho, hindi pinilit o napilitan lamang.

Kaya dito pagpasok sa eksena ni Energy Regulatory Commission (ERC) chair Agnes Devanadera na kasama rin sa sinasabing ikinukunsidera sa Energy Department ng bagong administrasyon.

Pero dapat maging maingat dito si BBM dahil sa gitna ng krisis sa enerhiya, higit na angkop para DOE ang isang Kalihim na alam ang mga batas na may kaugnayan sa kuryente at langis.

Naging isyu kasi ang diumano’y pahayag ni ERC chair Devanadera hindi kailangan ng anumang batas para ibasura ang value added tax sa kuryente.

Ang totoo, sadyang pasakit sa mga ordinaryong Pinoy ang mataas na buwanang singil sa kuryente. Dapat lang naman gawan ng paraan ng pamahalaan pababain ang buwanang singil ng mga pribadong kompanyang gaya ng Meralco.

Ani Devanadera na dating Justice Secretary sa administrasyon ni GMA ay ‘di na kailangan ang Kongreso para ibasura ang VAT sa power generation.

Pero ayon kay Albay Rep at House Committee on Ways and Means chairperson Joey Salceda na gawa ng Kongreso ang VAT, kaya Kongreso rin lang ang pwedeng magbasura o magrebisa sa tax law.

At heto pa, mali rin aniya ang pag-unawa ni Atty. Devanadera sa usaping double taxation sa VAT na ipinapataw sa generation charge at distribution charge.

Hindi direkta pero sa tono ni Salceda, mukhang hindi sapat ang kaalaman ng ERC Chairwoman sa batas sa may kaugnayan sa enerhiya. Ang masaklap, tila may nagtutulak kay Devanadera sa DOE.

Naku po napakasensitibong departamento ang DOE. Kung itatalagang natin ang tulad niya o kaya ni Mikey Arroyo sa DOE anong kinabukasan ang haharapin ng Pilipinas lalo na ngayong hindi pa rin maawat ang presyo ng produktong petolyo?

Tama si Salceda, wala dapat pinapaboran ang VAT. Kung papatawan mo ng buwis ang pandesal na paborito ng isang simpleng pamilya, bakit ‘di rin patawan ng buwis ang mga negosyanteng gumagawa ng harina at lebadurang sangkap sa tinapay?

Maraming paraan para pababain ang electricity rate nang hindi masasagasaan ang mga programa ng pamahalaan para sa mga mamamayan.

Pero teka, ano ba nagawa ni Devanadera bilang ERC chair?

Sa dinaranas na problema ng bansa, hindi kailangan ang isang hilaw sa pag-unawa sa mandato ang mamuno sa DOE.

Hindi pa naman pinal ang lahat,harinawa ay makapag-isip ng hindi pabigat sa gobyerno na mamumuno sa DOE.

Leave A Reply

Your email address will not be published.