Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Maghunos-dili ka: Andrea mahina ang utak

0 143

Maraming kababayan natin ang nabigo na kapag meron nang nanalo sa panguluhan ay mananahimik na ang kampo ng mga talunan. Pero hindi ‘yun naganap.

Mahigit na kalahati na sa botong nakuha ni VP Leni Robredo ang nakopo ni BBM bilang kalamangan, napakahirap nang habulin ang milya-milyang boto, pero nagsasalita pa rin ang mga Kakampink.

Marami silang kinukuwestiyon, marami silang ikinukuda, isang maliwanag na hindi pagtanggap sa naganap sa kanilang minamanok.

Mahirap bang tanggapin na nasa finish line na ang kabayo ni BBM ay nasa kalagitnaan pa rin ng laban ang kabayo ni VP Leni? Kapag ganu’n na katindi ang margin ay kailangan na nating isuko ang laban.

Pero hindi. Bitter-bitter-an pa rin ang ibang tagasuporta ng natalong politiko. Ampalaya pa rin ang kanilang kinakain. Idagdag pa ang madalas nilang pagkain ng patola kaya nand’yan pa rin sila at nakikipag-away.

Sa mga Kakampinks ay nangunguna sa binibira sa social media at sa mga vlogs si Andrea Brillantes. Naturingang bata-bata pa, pero sinisilihan sa anghang ang dila ng babaeng ito, hinanap pa niya ang utak nang mahigit tatlungpung milyong Pilipinong nagluklok kay BBM sa panguluhan.

Uupuan ba naman ng mga kababayan nating loyalista ng UniTeam ang patutsada ni Andrea? Natural, binembang siya, si Andrea mismo ang kanilang hinanapan ng utak sa kahinaang umintindi sa kaganapan.

Tuloy ay sinakyan siya ng mga mahilig magpalabas ng fake news, kung anu-anong masasamang salita ang ipinaangkin sa kanya, mabuti na lang at maagap ang mga namamahala sa kanyang career.

Nag-damage control agad ang mga ito, inilabas nila ang mga posts na hindi naman talaga galing kay Andrea, nagbanta pa silang magsasampa ng cyber libel sa mga nag-iimbento lang ng istorya.

Kailangang maghunos-dili na ang babaeng ito, tanggapin na lang niya ang katotohanan na tinao ang kanilang mga meeting de avance dahil sa dami ng mga artista sa entablado, pero hindi ‘yun naging boto para kay VP Leni.

Siya ang dapat gumising na sa katotohanan, isang presidente lang ang mananalo, hindi maaaring dalawa.

Pagtanggap ang tanging gamot sa kalungkutan at depresyon. Wala nang iba. Parang pagpanaw rin ng ating mahal sa buhay na kapag tinanggap na natin ang naganap ay ‘yun na. Napakalaki ng naitutulong nu’n sa ating sa pagsulong.

Kris bigong-bigo, nawalan ng kapangyarihan

May kaibigang nagtanong sa aming opinyon. Ano raw kaya ang nararamdaman ngayon ni Kris Aquino? Nalanos kasi halos lahat ng mga tumakbong pulitiko sa ilalim ng mga Dilawan na naging Kakampink.

Iisa lang ang kanilang kulay, nagbago lang ng kulay si VP Leni, pero ‘yun pa rin ang mga Dilawan. Si Senador Risa Hontiveros lang ang nakalusot sa kanilang partido.

Natural, matinding kalungkutan para kay Kris ang naganap, para kasing literal nang nabura ang kulay-pulitika ng kanyang pamilya.

Tatlumpu’t anim na taon na ang nakararaan ay walang pinakakawawang pamilya ng mga pulitiko kundi ang mga Marcos. Ang pamilya Aquino ang namamayagpag.

Pinalayas ang mga Marcos, ipinatapon sa Hawaii, bitbit nila ang galit ng bayan dahil sa mga kuwentong ipinakalat ng kanilang mga kalaban na sila’y magnanakaw.

Pero meron talagang panahon ng pagbawi. Ang mga Marcos naman ang nakapaibabaw ngayon at ang lahi ng mga Aquino ay pumailalim dahil sa kabiguan.

Napakasakit ng senaryong ito para kay Kris na nasanay na sa kapangyarihan. Dalawang beses namuno sa ating bayan ang kanyang ina at kapatid. Sa aminin at sa hindi ni Kris ay namamayagpag ang kanilang angkan, katabi niya sa pagtulog ang kapangyarihan, na ngayon ay wala na at ipinasa na uli ang baton sa pamilya Marcos.

Pero ganu’n talaga ang buhay. May panahon ng pagtatanim at pag-ani. Ang mga nawala ay nakababalik, kung paanong ang mga namamayagpag ay wala nang makapangyarihang armas ngayon, pero tuloy pa rin ang ikot ng mundo.

Tuloy ang buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.