Una sa Balita

Maghintay at magbantay

0 334

Ilang araw nang umiikot ang balita na sa susunod na Martes, Oktubre 8, ilalabas na ng Korte Suprema na nauupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang desisyon sa protesta ng natalong kandidatong si Bongbong Marcos laban kay Bise Presidente Leni Rob­redo. Maaalala natin na noong nakaraang buwan pa lang, natapos na ang recount sa tatlong pilot provinces na tinukoy ni Marcos sa kanyang protesta – ang Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental – at inaasahang batay sa ulat sa recount na ito, makapagbababa ng desisyon ang PET.

Maraming nagtatanong kung bakit napakatagal ng paglabas ng desisyon ganoong ilang linggo nang tapos ang recount sa tatlong probinsya. Ayon sa ilang eksperto sa election law, malinaw na kung matalo si Marcos sa nasabing recount, dapat nang tuluyang ibasura ang kanyang protesta. At ayon din sa ilang ulat, lalo pang lumaki ang lamang ni VP Leni ayon sa naging resulta ng recount na ito. Bakit nagtatagal, at ano pa ba ang mga posibleng ma­ging patutunguhan ng nakaambang desisyon ng PET sa susunod na linggo?

Sa simula pa lang, kailangang maging malinaw: Kahit lumabas pa na pabor ang resulta ng recount kay Marcos, hindi pa magi­ging matagumpay ang kanyang protesta. Ang mangyayari lamang ay ipagpapatuloy ang recount sa naiwang 24 na probinsya at siyudad na kanyang tinukoy sa kanyang protesta. Ibig sabihin, kahit isantabi pa o baguhin ng PET ang resultang recount na pumabor kay VP Leni, at nagpalaki pa sa kanyang lamang, hindi mananalo si Marcos sa kanyang protesta, kundi tutuloy lamang ang recount sa iba pang probinsya.

Sa mga nakaraang araw, meron ding mga nagbabanggit na baka raw gamitin din ng PET ang resulta, hindi sa tatlong pilot provinces ni Marcos, kundi sa ilang probinsya sa dating Autonomous Region in Muslim Min­danao (ARMM).

Muli, para maging malinaw, ang unang kailangang pagdesisyunan ng PET ay ang resulta ng recount sa tatlong pilot provinces. Ibang usapan ang ARMM at iba pang probinsya. At klaro na batay mismo sa patakaran ng PET, kung matalo si Marcos sa pilot provinces, dapat ibasura na ang protesta niya.

Kung sakaling magdesisyon ang PET na sa kabila ng resulta ng recount sa pilot provinces ay dapat pa ring magpatuloy ang protesta, ibig sabihin lamang nito na tutuloy ang proseso ng pagkakalap ng ebidensiya at pagsuri sa mga election documents na may kaugnayan sa halalan noong 2016. Sa mada­ling salita, ang maaaring maging desisyon ng PET ay ibasura nang tuluyan ang protesta, o hayaan itong magpatuloy. O sa mas simpleng salita, makumpirma na agad ang panalo ni VP Leni, o manatili siyang nakaupo habang patuloy ang proseso sa PET.

Nakakapagtaka nga lang at nakakatawa na maraming umiikot na pekeng balita na ‘mananalo’ na raw si Marcos sa susunod na linggo. Klarong-klaro na ayon sa proseso ng PET, imposible pa itong mangyari, liban na lang kung isantabi ang lahat ng batas at patakaran.

Habang hinihintay natin ang desisyon, umaasa tayo na mananatiling tapat ang ating mga mahistrado sa kanilang tungkulin sa taumbayan at Saligang Batas, at maglalabas ng desisyon na ayon sa tamang batas. Kasabay nito, dapat ta­yong manatiling mapagmasid at patuloy na bantayan ang proseso.

At siyempre, alamin natin ang totoo, at laging mag-ingat sa panlilinlang na pilit ipinaiikot ng ilang may ‘di mabuting balak.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy