Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Magat dam nagpakalawa: Cagayan binaha uli

0 167

Hindi pa man nakakahinga sa pananalasa ng bagyong Ulysses, dumanas muli ng pagbaha nitong Sabado ang lalawigan ng Cagayan.

Iniulat ng Cagayan Provincial Information Office na ang ilang daan at tulay sa Tuguegarao City at sa mga bayan ng Rizal, Baggao at Lasam ang hindi madaanan ng mga sasakyan nitong umaga dahil sa baha matapos bumuhos ang malakas na ulan.

Dahil sa malakas na ulan, kinailangan ding magpakawala ng tubig mula sa Magat Dam.

Lubog din sa baha ang mga Barangay Caliliauan sa Solana, Annafunan East at Linao East sa Tuguegarao pati na ilang lugar sa bayan ng Peñablanca.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, agad namang inilikas ang mga residente sa mga lugar na madaling bahain matapos ang anunsyo ng pagpapakawala ng tubig mula sa dam.

Sabi ng Tuguegarao local government, 41 na pamilya o 127 katao ang kasalukuyang nasa Barangay Annafunan East Evacuation Center.

Northeast monsoon o Amihan ang nagdala ng pag-ulan nitong Sabado sa ilang bahagi ng Luzon kabilang na ang Cagayan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa Notice of Dam Discharge Warning Operation ng NIA-MARIIS na ipinalabas mga alas singko ng umaga, sinabing ang spillway radial gate number 3 ay nakabukas na rin ng 1 metro.

Sa kabuuan, aabot sa 786 cms o katumbas ng 3,930 drum ng tubig ang water discharge sa dam mula sa dalawang bukas na gate.

Ayon pa sa NIA-MARIIS na ginagawa nila ito para maiwasang umabot sa peligro ang dam.

Patuloy kasi ang pagbaba ng tubig mula sa watershed areas na nakakaranas ng pag-ulan.

Alas-6 ng umaga ng Sabado nang maitalang nasa 189.2 meters above sea level ang tubig sa Magat Dam, halos apat na metro na lang ang agwat sa spilling level na 193 meters.

Sa pinakahuling hydrological forecast ng PAGASA nasa “above alert level” ang Upper Cagayan basin area, kasama ang Ganano at Magat, kung saan posible ang pagbaha.

Matatandaang ang Cagayan at Isabela ay matinding binaha dahil sa hagupit ng Bagyong Ulysses, ang pinakamalalang paglubog ng lugar sa loob ng 45 na taon. (Issa Santiago/Kiko Cueto/Vick Aquino)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.