Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pagkuha ng larawan na walang pahintulot, ilegal!

0 811

Magandang araw, Mga Kakampi!

Kung dati ang cellphone ay pantawag lang at pang-text, ang mga cellphone sa ngayon ay may kakayahan nang kumuha ng larawan at video at direktang mag-post sa social media.

Kaya naman marami sa ating mga kababayan ang nawiwiling mag-post ng larawan at video sa kani-kanilang social media accounts sa tulong ng kanilang modernong cellphone.

Naririyan na pati pagkain, paglalakad at mga eksenang nakikita sa kanilang paligid ay inilalagay sa social media.

May mga pagkakataon pa na pati mga tao na hindi natin kilala ay kinukunan natin ng larawan at pino-post ito sa ating social media accounts.

Ngunit mag-ingat-ingat tayo sa ganitong pagkilos dahil posibleng may kaharapin kayong pananagutan sa ilalim ng ating mga batas.

Dito nakasentro ang katanungang inilapit sa ating Free Legal Helpdesk ng isang ina. Narito ang kanyang tanong:

Magandang gabi po Atty. Chel. Someone took a photo of my child without my permission and posted it on social media. Is there a law that says it’s illegal? Thank you.

Sa kabuuan, ang pagkuha at paggamit ng larawan ng isang tao ay maaaring gawin kung nagbigay ng pahintulot ang tao. Ngunit kung ginawa ito na walang pahintulot, maituturing na itong paglabag sa ilang batas, gaya ng Data Privacy Act at Safe Spaces Act.

May pananagutan din ang taong kumuha at gumamit ng larawan nang walang pahintulot sa ilalim ng Revised Penal Code at Civil Code.

Talakayin muna natin ang Data Privacy Act. Ayon sa Privacy Policy Office Advisory Opinion No. 2018-053, ang pagkukuha ng mga litrato ay dapat may pahintulot ng kinukunan ng larawan. Ang hindi awtorisadong paggamit ng personal na impormasyon, kabilang ang larawan, ay maliwanag na paglabag ng Data Privacy Act. Kapag napatunayan, may parusa itong pagkabilanggo at multa.

Pangalawa, sa ilalim ng Safe Spaces Act, pinagbabawal ang tinatawag na gender-based online sexual harassment, kabilang dito ang pagsi-share ng larawan, video at iba pang impormasyon ng isang tao sa online. May parusa rin itong pagkabilanggo at multa.

Kung menor de edad ang kinunan ng larawan nang walang pahintulot ng magulang, maaari rin itong ituring na paglabag sa Article 287 ng Revised Penal Code o tinatawag na unjust vexation o mga pagkilos na nagreresulta sa pagkainis ng isang inosenteng tao. Sinumang mapapatunayang lumabag dito ay mapaparusahan ng kulong at multa.

Maaari ring maghain ng reklamo para sa damages sa ilalim ng Article 26 ng Civil Code, na nagbibigay ng proteksiyon sa privacy at kapayapaan ng isip ng isang tao. Pinagbabawalan nito ang sinuman na makialam o mang-abala sa pribadong buhay ng isang tao.

Kaya payo ko, parati tayong mag-ingat sa pagkuha ng larawan ng ibang tao. Parati nating igalang ang kanilang privacy upang hindi tayo magkaroon ng problema.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dahil parating handang tumulong ANG ABOGADO NG MGA DEHADO!

Leave A Reply

Your email address will not be published.