Una sa Balita

Mag-utol tusta sa Tondo fire

0 216

Nasawi ang magkapatid na babae sa nangya­ring ­sunog sa residential area sa Gagalangin, Tondo, ­Maynila kahapon nang umaga.

Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga biktima na sina Aliyah Raine O. Morales, 9-anyos, at Anastacia Marie O. Morales, 1-anyos na sanggol.

Batay sa inisyal na imbestigayon, nagsimula ang ­sunog sa tatlong-palapag na bahay na pag-aari ng isang Marina Sia pasado alas-nuwebe nang umaga.

Iniakyat sa unang alarma ang sunog na tumagal ng higit tatlumpung minuto bago idineklarang fire out.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng hindi n­akahinga ang mga bata dahil sa kapal ng usok kaya hindi ito nakalabas ng kanilang silid at tuluyang nasawi.

Ayon kay F/Insp. John Joseph Jalique, hepe ng ­Intelligence Division ng Manila Fire District, wala ang mga magulang ng mga bata nang maganap ang sunog dahil pumasok ang mga ito sa trabaho.

Nalaman na gising na umano ang mga bata nang umalis ang kanilang ina, at iniwanan sila sa pangangalaga ng kanilang lola, kaya’t nagtataka ito kung ­bakit nasa silid pa ang mga ito nang maganap ang sunog.

Ang kanilang lola naman ay nasa unang palapag umano ng bahay at nang sumiklab ang sunog ay hindi na nagawa pang isalba ang mga biktima.

Tinatayang nasa P30,000 ang halaga ng ­napinsala ng apoy.

Wala namang ibang bahay ang nadamay sa ­insidente na patuloy na iniimbestigahan ng mga ­awtoridad. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy