Una sa Balita

Mag-utol na estudyante lodi sa pagsoli ng cellphone, pera

0 472

HINAHANGAAN ngayon ang magkapatid na elementary pupil ng Urdaneta City 1 Central School (UC1CS), Pangasinan dahil sa kanilang katapatan matapos isoli ang cellphone at perang napulot sa harap ng kanilang paaralan.

Nakilala ang magkapatid na sina Riyanna Honrado, isang Grage 6 at nakakabatang kapatid nitong si Zabrina Honrado, Grade 3 ng Nancamaliran East, Urdaneta City, kapwa nag-aaral sa UC1CS.

Nabatid sa Urdaneta City Police Station (UCPS), agad na nagtungo ang magkapatid sa UCPS upang ipagbigay alam na nakapulot sila ng cellphone at pera sa harap ng kanilang paaralan.

“Nakita po namin ang pera at cellphone malapit sa school namin,” sambit ni Riyanna.

“Dapat po hindi po angkinin ang hindi po sa atin,” ani Zabrina.

Iginiit ng magkapatid na hindi nila nakakalimutan ang turo ng kanilang magulang ang ‘honesty is the best policy.’

Payak ang pamumuhay ng pamilya Honrado at kumikita lamang ang mga magulang nito sa pagtitinda ng miki sa isang maliit na barong-barong sa harap ng kanilang bahay.

Sinabi ng kanilang ama na si Marlon Honrado, malaking tulong ang pagsisimba ng dalawang magkapatid at nahuhubog sila sa magandang ugali.

Ayon naman kay UC1CS principal Dr. Robert Tababa, ipinagmamalaki ng buong paaralan ang magkapatid dahil sa ginawa nilang katapatan at maging halimbawa sa mga mag-aaral.

Sinabi naman ni UCPS duty officer P/Lt. Roberto Perez na naisoli na ang mobile phone, ngunit wala pang kumukuha sa pera na nakatakdang ibigay sa dalawang bata ‘pag walang nag-claim. (Allan Bergonia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy