Una sa Balita

Mag-live in tinodas habang natutulog

By ,
0 6

Patay ang mag-live in partner na nasa drug watchlist ng pulisya matapos pasukin ng tatlong lalaki na naka-helmet ang kanilang bahay at pagbabarilin habang natutulog kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong mga bala sa iba’t ibang ba­hagi ng katawan ang biktimang sina Dante Ason, 32, construction worker, at Cherry Maria Mansan, 30, kapwa residente ng 394 Bonanza Phase 2, Barangay Fortune, Marikina City.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) chief Supt. Romulo Sapitula, pinatay ang mga biktima dakong alas-nuwebe ng gabi nang pasukin ng mga armadong suspek na naka-jacket at hindi tinanggal ang mga suot na helmet lulan ng dalawang motorsiklo ang bahay ng mga ito.

Napag-alaman na kasalukuyan na umanong natutulog sa ikala­wang palapag ng kanilang bahay ang mag-live in partner nang akyatin ito ng mga suspek at pagbabarilin. Nang masigurong wala nang buhay ay saka lang umalis ng lugar lulan ng kanilang motorsiklo.

Sa paunang im­bestigasyon ng pulisya, may kinalaman sa iligal na droga ang pamamaslang sa mga biktima dahil nasa drug watchlist ng awtoridad ang mga ito dagdag pa na ang lugar ng pinangyarihan ay pugad ng mga drug pushers at holdaper.

Samantala, itinanggi naman ng pulisya na tatlong buwang buntis ang babaeng biktima. 

Ma­laki lang umano ang tiyan nito kaya napagkamalang buntis nang unang isinagawa ang im­bestigasyon.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng case conference ang mga tauhan ng Marikina City Philippine National Police (PNP) para sa agarang paglutas ng nasabing kaso.