Una sa Balita

Mag-live in inutas ng tandem

0 298

Kapwa patay ang mag-live in partner nang pagbabarilin ng riding-in-randem sa magkasunod na insidente sa Barangay Western Bicutan, Taguig City kahapon nang madaling-araw.

Unang nadiskubre ang bangkay ng babae na kinilala lamang sa alyas ‘Gillian’, may edad na 25 hanggang 30, dakong ala-1:45 nang madaling-araw sa kahabaan ng Purok 10, Philippine National Railway Site.

Nang suriin ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ang bangkay, nakuha sa kanya ang siyam na basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at maliit na plastic sachet ng hinihinalang droga.

Makalipas ang tatlong oras, sunod na natagpuan ang bangkay ng lalaki na si alyas ‘Negro’ sa loob ng kanilang tinutuluyang bahay at tadtad ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa pahayag ng mga residente sa lugar, naalimpungatan umano sila nang nakarinig ng sunod-sunod na pu­tok ng baril at nang lumabas ay nakita na ang bangkay ni ‘Gillian’ na sinundan ni ‘Negro’.

Kuwento ng purok leader ng lugar, dayo lang umano sa kanila ang dalawa para lang gumamit ng iligal na droga. Nakitira sila sa bahay ng kaibigan na dati ring gumagamit ng droga hanggang sa umano’y magkaroon na ng diperensya sa pag-iisip.

Ayon sa pulisya, patuloy pa rin silang nagsasagawa ng masu­sing imbestigasyon at inaalam na rin kung may kinalaman sa onsehan sa droga o love triangle ang ginawang pagpatay sa mga biktima. (­Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More