Una sa Balita

Mag-ingat sa modus ng mga umuupa

By
0 1,055

Isang kababayan ang nagpasaklolo sa atin upang ipagbigay-alam ang isang modus-operandi ng ilang may masasamang hangarin sa kapwa.
Ayon sa impormasyong ipinaabot ng ating reader na may paupahan­ ay nabiktima siya ng isang umuupa.

Karaniwan daw kay Edna (‘di tunay na pa­ngalan) ang humihingi ng mga valid IDs at kung ano-ano pang mga kati­bayan para malaman n’ya kung totoo ang pagkatao ng isang umuupa.

Ngunit sa pagkaka­taong ‘yun ay araw daw ng Biyernes kaya wala siyang naging tsansa para mag-imbestiga dahil ang sabi ng lalaking umuupa ay kakatanggap lamang niya sa trabaho at sa Lunes pa raw sya maiisyuhan ng kanyang company ID.

Abante Hiring – IT dep

Dahil maayos naman ang pakikipag-usap ng nasabing lalaki kay Edna ay tinanggap n’ya ito sa kanyang bahay at na­bigyan nga ng lugar para maupahan. May mga kilos ang lalaki na ‘di naman binibigyan ng kulay ni Edna kagaya na lamang na ito ay mas madalas magbabad sa di­ning table na kunwari ay may ginagawa.

Nabanggit ni Edna na meron siyang lugar para gawing study table o working table ngunit hindi ito ang ginagamit ng lalaki kundi ang di­ning table.

Isang gabi makalipas ang kanilang hapunan kabilang na ang iba pang mga umuupa sa kanya ay nakaramdam na lamang ng pagkahilo­ si Edna pati na rin ang iba pa niyang kasama sa bahay at ng sila ay nagi­sing ay wala na ang la­laki at natangayan na sila ng nasa halagang P12,000, P3,000 sa isang umuupa sa kanya at laptop. Lahat sila ay naka­tulog at wala man lang nagising sa kanila at nakaramdam na sila pala ay pinagnanakawan na.

Isang malakas na tama ng pampatulog ang kanilang nainom na kahit na ilang araw na raw ay nakakaramdam pa rin sila ng pagkahilo.

Ang gamot na ginamit para sila ay makatulog ay nadiskubre nilang nakahalo sa tubig na kanilang iniinom. ‘Yung inumin ay para sa lahat na nakalagay sa isang container na may gripo at ito ay nasa dining area ng bahay.

Kaya pala raw la­ging nasa dining area ang lalaki dahil ito pala ay nagpaplano na sa kanila. Nagpapasalamat pa rin sila dahil sila ay buhay pa.

Paano nga naman kung bukod sa pagnanakaw ay may gawin pang iba sa kanila na ‘di maganda. Kaya ito ay isang babala sa nagpapaupa. Siguraduhin ang background ng taong gustong umupa sa inyong lugar.

Mas maganda rin na kunan ng litrato ang gustong umupa at beripikahin mismo sa kanyang pinagtatrabahuhan kung totoo ang nirerepresenta­ nitong kompanya o kung estudyante naman ay siguraduhing estud­yante talaga ito ng isang eskwelahan.

Mas mabuti na ang sigurado kesa ikaw ay mapahamak pa. Aanhin mo ang kita kung buhay mo naman ang malalagay sa peligro.