Una sa Balita

Mag-ingat sa mga Traidor!

0 756

PINAYUHAN ni Senator Panfilo Lacson si Vice President Leni Robredo na mag-ingat sa mga makakasama sa trabaho matapos nitong tanggapin ang puwestong inalok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ayon kay Lacson, iba’t ibang personalidad ang makakasama ni Robredo sa giyera kontra droga kaya’t dapat itong mag-ingat sa pakikitungo lalo na sa mga pulis.

“Ang napasukan niya siyempre mara­ming character, especially ‘yung mga pulis. Naku, sari-saring character ‘yan. Medyo ano lang she should really watch her back all the time,” ayon sa senador sa isang phone patch interview nitong Sabado.

Dahil dito, pinayuhan ni Lacson si Robredo na bumuo ng kanyang mga mapagkakatiwalaang tauhan sa loob ng anti-drug body.

“She should develop her own people who could be trusted. It entails a lot of study in the performance of her duties. Makikita niya kung sino ‘yung mga credible at saka mga trustworthy dun sa mga tao, mag-develop siya ng sarili niya within the law enforcement na puwede mag-provide ng intel info sa kanya,” saad ng senador na dating hepe ng Philippine National Police.

Noong Biyernes nang umaga, naki­pagkita si Lacson kay Robredo bago nakipagpulong ang huli sa mga miyembro ng ICAD, kasama si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.

Tiniyak naman ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga gagawing diskarte ni VP Robredo kung paano nito lutasin ang problema sa iligal na droga sa bansa bilang drug czar.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bahala ang Bise Presidente kung paano nito gagampanan ang nakaatang na responsibilidad sa kanyang balikat .

Pero kahit binigyan ng sariling diskarte ang Pangalawang Pangulo, sinabi ni Panelo na accountable pa rin ito kay Pangulong Duterte sakaling hindi nito magampanan ang trabahong ibinigay sa kanya ng Presidente.

“Alam mo si Presidente, ever since hindi nakikialam ‘yan sa kanyang mga departamento. Palaging ‘bahala kayong dumiskarte, but you are accountable to me’—iyan ang ever since ganyan ang policy,” ani Panelo.

Matatandaang bukod sa korupsiyon ay isa ang “incompetence” sa mga dahilan ng mga nasisibak na opisyal ng gobyerno kapag ito ay nakarating sa kaalaman ng Pangulo.

Kasabay nito, inihayag ng kalihim na maaga pa para husgahan ang pangalawang Pangulo kaya hayaan muna siyang magtrabaho bilang drug czar ng bansa para lutasin ang talamak na problema sa iligal na droga.

“Let’s not be judging her. Ang sinasabi ko , wag muna tayong tumalon, hayaan mo siyang dumiskarte,” dagdag pa ni Panelo.
(Aileen Taliping/Lorraine Gamo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy